MULING inulit ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente sa kanilang mga empleyado na nakatalaga sa international airports, na bawal mag-leave sa holiday season para matiyak ang magandang serbisyo sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga paliparan ng bansa.
Inulit ni Morente ang kasalukuyang polisiya na nagbabawal sa mga empleyado ng BI sa iba’t ibang ports na mag-apply para sa vacation leaves simula sa Disyembre 1, 2021 hanggang Enero 15 sa susunod na taon.
Aniya, “no-leave policy is necessary to avert long queues” sa mga paliparan bago at pagkatapos ng Christmas at New Year holidays kung kailan laging marami ang bilang ng mga pasahero na pumapasok at lumalabas ng bansa.
“This is the time of every year when the services of our immigration inspectors are most needed in the airports. Thus, in the exigency of the service, we have to make a sacrifice to service the traveling public,” pahayag ng BI chief.
Ipinaliwanag pa niya na maliban sa medical at emergency reasons, walang aplikasyon para sa ‘leave’ ng sino mang BI port personnel ang tatanggapin at aaprubahan, habang one-and-a-half-month ban sa ‘leave’ ay epektibo.
Idinagdag pa ni Morente, ipinag-utos niya kay Atty. Carlos Capulong, BI port operations chief, na bumuo ng team ng on-call immigration officers para dagdagan at tulungan ang personnel sa kanilang supervisory at primary inspection duties sa mga paliparan. (JOEL O. AMONGO)
196 