UMAPELA ang Bureau of Immigration (BI) sa iba’t ibang airline companies na huwag pasakayin ang mga dayuhan na papuntang Pilipinas kung walang visa.
Ang pahayag ni Immigration Commissioner Jaime Morente ay kaugnay ng mga ulat na may mga dayuhan na dumarating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na walang visas.
Idinagdag pa niya na may ulat na may foreign passengers na natatanggap sa international airports sa Mactan, Cebu at Clark, Pampanga.
Ayon pa kay Morente, responsibilidad ng airlines na alamin kung ang mga dayuhang bumibiyahe patungong Pilipinas ay may kaukulang visas para hindi sila maabala pagdating sa airport.
“Apart from shouldering the cost of returning these aliens to their port or origin, it is also the responsibility of the airlines to defray the expenses of their accommodation at the airport while awaiting their return flights,” anang BI chief.
Kasabay nito, hinikayat ni Morente ang airlines na maging updated sa pinakabagong issuances ng international travel mula sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).
Ayon naman kay Atty. Candy Tan, BI Port Operations Division chief, lagi silang nagpapaalala sa airlines na ‘wag magpasakay ng hindi dokumentadong pasahero. (JOEL O. AMONGO)
265
