(BERNARD TAGUINOD)
“THE question would be….sino ang nag-fill in the blanks mula sa bicameral conference report para ang makarating sa Pangulo ay wala nang blanko?”
Ito ang ibinatong katanungan ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel matapos kumpirmahin na may mga blangko sa Bicam report ng 2025 national budget na nagkakahalaga ng P6.352 trillion.
Ayon kay Manuel, nakakita siya ng 14 blangko sa pinirmahan report ng mga miyembro ng Bicam na pinili ng dalawang kapulungan ng Kongreso para mag-usap sa magkaibang probisyon sa pambansang pondo.
Karamihan aniya sa mga blangko o walang inilagay na pondo ay pawang mga proyekto at programa ng Department of Agriculture (DA) na kinabibilangan ng fisheries modernization program, national program ng DA, small scale irrigation projects at national and communal irrigation system.
Bagama’t nawala ang mga blangko at nalagyan ng pondo ang mga nabanggit na programa at proyekto sa pinirmahang General Appropriations Act (GAA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nananatiling lihim kung sino ang naglagay ng pondo sa iniwang blangko sa Bicam conference report.
“Tanong pa rin ‘yan na hindi nasasagot hanggang ngayon,” ani Manuel.
Unang isiniwalat ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing kontrobersya noong nakaraang linggo kung saan binuweltahan ito ng Pangulo at sinabihang “sinungaling” dahil walang blangko sa kanyang pinirmahang GAA.
Kumbinsido si Manuel na posibleng hindi nakita ng mga senador at congressmen ang mga blangko sa pinirmahang Bicam report subalit pinanindigan nito na may mga blangko sa nasabing report.
“Those who can answer kung sino talaga ang mga liable dito are those in the Bicam and if ever, the president himself or Malacañang o yung mga tao na nag-aassist sa kanya has knowledge kasi dun lang naman ang ruta. From the Bicam, then committee report tapos ipapasa sa Presidente for signature,” paliwanag ni Manuel.
Dahil dito, muling iginiit ng mambabatas na buwagin na ang Bicam dahil binabago ng ilang senador at congressmen ang pinaghirapan ng lahat ng mga miyembro ng Kapulungan mula sa committee level hanggang sa plenaryo.
Hindi Nainsulto
Kaugnay nito, hindi itinuturing ni Senate President Francis Chiz Escudero na insulto o sampal sa kanila ang pagremedyo ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa mga nakita niyang kakulangan sa pambansang budget.
Katunayan, sinabi ni Escudero na magiging katibayan pa ng matatag at bibong demokrasya ang pagiging hands on ng Pangulo sa pagtutuwid o pagpupuno sa kakulangan ng national budget kasama na ang pagiging aktibo ng ibang ahensya at ng hudikatura.
Una nang tinawag na suboptimal ng Pangulo ang national budget dahil binawasan ang alokasyon sa ayuda, edukasyon at kalusugan.
Muling binigyang-diin ni Escudero na wala namang perpektong national budget dahil laging hindi sapat ang pondo ng gobyerno sa pangangailangan ng lahat.
Ipinaalala pa niya na nasa kapangyarihan ng Pangulo ang mag-augment, maglipat, magtapyas at pumigil sa mga pondo sa bawat proyekto, programa o tanggapan.
Hinamon din ni Escudero ang mga kumukwestyon sa 2025 national budget na dalhin na lamang sa korte ang kanilang mga isyu.
Kasabay ito ng pagtitiyak ni Escudero na kumpleto at walang blangko ang General Appropriations Act na produkto ng committee report.
Ipinaliwanag ng Senate leader na kung mayroon mang dapat kwestyunin ang constitutionality, ito ay ang inaprubahan at nilagdaang batas ni Pangulong Bongbong Marcos na GAA at hindi ang bicam report.
Hindi rin aniya enrolled bill ang kinukwestyong bicam report kaya nakapagtataka para kay Escudero na hindi ito alam ni Cong. Isidro Ungab gayung dati siyang chairman ng House Committee on Appropriations.
Binigyang-diin pa ni Escudero na hindi tama at isang kasinungalingan ang akusasyon na may blangkong item sa pambansang budget dahil kung totoo man ay hindi pwedeng maglabas ng pondo rito ang Department of Budget and Management (DBM) at ikukonsidera itong error.
Kumbinsido naman ang Senate President na pulitika ang motibo sa isyung ito at hindi na siya magugulat kung may iba pang isyung lalabas sa mga susunod na araw. (May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)
