HINDI mangingiming kasuhan ng Department of Health (DOH) ang scammers na nagpapakilalang sila si Secretary Teodoro Herbosa na umano’y nanghihingi ng pera sa text message.
Ang babala ay inilabas ng DOH sa publiko kasunod ng kumalat na nagpakilalang Secretary Herbosa sa pamamagitan ng text messages.
Muling nilinaw ng DOH ang mga pinadadalang mensahe ay hindi nagmula sa kalihim at ang numerong ginagamit ay hindi pag-aari ng kalihim.
Binalaan ng DOH ang mga gumagawa ng ganitong uri ng ilegal na gawain na mahaharap sila sa kaukulang kaso lalo na kung ito ay nagiging dahilan ng pagpapakalat ng maling impormasyon.
Matatandaan na hindi lang ito ang unang beses na ginamit ang pangalan ni Herbosa sa ganitong uri ng insidente kung saan nangyari na rin ito sa iba pang tanggapan ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Bureau of Customs (BuCor).
Kasabay nito, pinaalalahanan ang publiko na maging mapanuri at mag-ingat sakaling makatanggap ng mga kahina-hinalang mensahe sa text o social media upang hindi maging biktima ng scammers. (JULIET PACOT)
