KUMPARA noong nakalipas na taon, mas dumami ang mga nagpaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon sa kabila ng panawagan ng pamahalaan na umiwas dito, makaraang umakyat na sa 153 ang kabuuang indibidwal na nasabugan ng paputok, ayon sa Department of Health (DOH).
Nabatid sa report ng DOH noong Enero 2, nadagdagan pa ng 68 ang bilang ng mga insidente ng mga naputukan. Mas mataas ang 153 kaso o 32 porsyento kumpara sa 116 kaso na naitala noong 2020.
Pinakamarami ang naputukan sa Metro Manila na may 60 kaso o 39%, kasunod ang Region I at VI na may tig-22, ikatlo ang Region 3 na may 12 kaso, tig-anim na kaso naman sa Regions V, VII, at BARMM, tig-limang kaso sa Region II at Calabarzon, apat sa Region XII, tatlo sa CAR, at tig-isang kaso sa Region IX at XI.
Mayorya o nasa 113 sa 153 o katumbas na 74% ay pawang mga lalaki ang naging biktima ng pagpapaputok.
May 15 sa mga biktima ang kailangang putulan ng parte ng katawan, 102 ang hindi na kailangan maputulan at 39 biktima ang nagkaroon ng pinsala sa mata.
Pangunahing gamit ng mga biktima ang kwitis na may 35 kaso, boga na may 15 kaso, luces na may 12 kaso, triangulo na may 10 kaso habang 24 na kaso ang hindi pa mabatid kung anong uri ng paputok ang ginamit.
Wala pa namang naiuulat na biktima ng ‘stray bullet’ at paglunok ng paputok sa mga bata. (RENE CRISOSTOMO)
617 