NAGBIGTI ang isang 21-anyos na binata makaraan umanong makipaghiwalay ang kanyang girlfriend, sa Malabon City nitong Linggo ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Sonny Boy Castillo, ng #142 Azucena St., Merville, Tanza, Navotas City.
Ayon sa report nina P/SSgt. Jeric Tindugan at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued kay Malabon Police chief, Col. Angela Rejano, dakong alas-7:00 ng umaga nang makita ni Roberto Villador, 48, ng Blk. 4, Labahita St., Brgy. Longos, ang biktima habang nakabigti sa ilalim ng Tanza-Hulong Duhat Bridge sa Women’s Club St., Brgy. Hulong Duhat.
Kaagad ipinaalam ni Villador ang natuklasan sa naka-duty na PSTMO na si Roberto Cabading na siya namang nag-report ng insidente sa pulisya.
Ayon sa pulisya, inihayag ng kaibigan ng biktima na si Reymart Diaz, noong Enero 15, ay nagtangkang magpakamatay si Castillo sa pamamagitan ng paghiwa sa kanyang pulso.
Dakong alas-3:30 ng hapon noong Sabado, sinabi ng biktima sa video call nila ng kanyang girlfriend, “Sabagay naman sinasaktan kita, at para hindi ka na masaktan, mas mabuti na mawala na lang ako”.
Pumirma sa ‘waiver’ ang ina ng biktima na si Ma. Cecilia Cayanan, patunay na hindi siya interesado sa kahit anong imbestigasyon at autopsy ng pulisya dahil naniniwala siyang walang foul play sa pagkamatay ng kanyang anak. (FRANCIS SORIANO)
