HALOS P200,000 halaga ng shabu ang nasamsam sa apat na hinihinalang drug personalities, kabilang ang dalawang babae, matapos madakma sa magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa mga lungsod ng Malabon at Navotas nitong Linggo ng madaling araw.
Ayon sa ulat, alas-3:00 ng madaling araw nitong Linggo, nagsagawa ang mga operatiba ng Malabon Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna P/SSgt. Julius Sembrero, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. John David Chua, sa pamumuno ni P/Col. Angela Rejano, ng buy-bust operation sa Avocado St., Brgy. Potrero.
Nakipagtransaksyon ang isang pulis na nagpanggap na buyer, ng P500 halaga ng shabu sa kanilang target na si Bernadeth Morales alyas “Bodeth,” 32, online seller, ng Bagong Barrio, Caloocan City, at Axel de Guzman, 29, ng Sta. Cruz, Manila.
Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money kapalit ng isang sachet ng shabu, ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba, gayundin ang kasama nilang si Jervic Pastor, 18, ng Brgy. 144, Caloocan City.
Nakumpiska sa mga suspek ang 17.7 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P120,360 ang halaga.
Sa Navotas, natimbog din ng mga operatiba ng Navotas Police SDEU, sa pangunguna, ni P/Lt. Genere Sanchez, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Rolando Balasabas, ang suspek na si Wendy Cusi, 26, sa buy-bust operation malapit sa bahay nito sa Leongson St., Brgy. San Roque dakong alas-10:00 ng gabi.
Nakumpiska mula kay Cusi ang 10 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P68,000 ang halaga at P300 marked money. (FRANCIS SORIANO)
