TINAGA ang 16-anyos na estudyante ng tiyuhing kapitbahay na naingayan sa tambutso ng kanyang motorsiklo sa Calaca City, Batangas nitong Martes ng madaling araw.
Ayon sa report ng Calaca City police, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang dumating ang biktima sa kanilang bahay sa Sitio Duyo, Brgy. Timbain sakay ng motorsiklo.
Subalit bigla na lamang lumabas ang suspek na si Dante Matira at galit na sinita ang pamangkin dahil umano sa gabi-gabing pagkaistorbo nito sa pagtulog dahil sa ingay ng motorsiklo.
Nagkasagutan ang dalawa hanggang sa mauwi sa pananaga ng suspek sa kanyang pamangkin na tinamaan sa leeg.
Tumakas ang suspek subalit naaresto ito ng mga pulis sa follow-up operation.
Sinampahan na ng kasong frustrated homicide ang suspek na ngayon ay nakakulong sa Calaca City police station lock-up cell. (NILOU DEL CARMEN)
