LUBOG na sa baha ang maraming lugar sa kabayanan ng Mauban, Quezon.
Ayon kay Aldrin Ferayra, rescuer at miyembro ng monitoring team ng Mauban MDRRMO, dulot ito ng patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan mula Linggo ng gabi.
Hanggang alas-7:00 kahapon (Martes ng umaga) ay patuloy na nakararanas ng pag-ulan sa lalawigan.
Nabatid na umabot na hanggang binti ang taas ng tubig sa mga binabahang lugar dahilan para suspendihin ang pasok sa eskwela.
Samantala, Lunes ng hapon hanggang gabi ay nalubog din sa baha ang kabayanan ng Boac, Marinduque.
Nagdulot ang biglaang pagtaas ng tubig upang ma-stranded ang mga estudyante ng Marinduque National High School at Don Luis Hidalgo Memorial School.
Agad namang nagsagawa ang Boac police ng Oplan Libreng Sakay upang makauwi ang mga estudyante.
Nalubog din ang ilang establisimyento habang ang kalsada sa Barangay Laylay ay nagmistulang ilog dahil sa malakas na agos ng tubig. (NILOU DEL CARMEN)
