DAPAT panagutin ang hotel kung saan ginahasa at pinatay ang flight attendant ng Philippine Airlines (PAL) na si Christine Angelica Dacera dahil sa paglabag sa health protocols.
Ito ang pahayag ni ACT-CIS Party-list Rep. Nina Taduran matapos lumabas na pinayagan ng City Garden Hotel na magkaroon ng pagtitipon-tipon ng mahigit sa 10 katao sa isang silid.
“Bakit pinayagan nila ang higit sa 10 tao sa isang room eh under GCQ (general community quarantine) pa tayo. Surely, may pananagutan ang hotel dyan at dapat talaga silang panagutin sa nangyari kay Dacera,” ani Taduran.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil base sa mga report, umaabot sa 12 katao ang nasa silid kung saan ginahasa at pinatay umano ang 23-anyos na si Dacera noong Bagong Taon.
Base sa mga report, 11 ang lalaking kasama ni Dacera sa kanilang inupahang silid sa nasabing hotel sa Makati City.
Hindi basta-basta nakakapag-check-in aniya ang mga tao sa mga hotel dahil sa umiiral na health protocol bunsod ng COVID-19 pandemic kaya nagtataka ang mambabatas kung paaano nakapagtipon ang 12 katao sa isang silid na hindi alam ng management ng hotel.
Habang isinusulat ang balitang ito, sinabi ni Taduran na pinadalhan na ng Department of Tourism (DOT) ang nasabing hotel ng show cause order dahil sa paglabag sa health protocols.
Ngunit hindi kontento rito si Taduran kaya umapela itong tiyaking panagutin ang nasabing hotel.
Sa nasabing show cause order ng DOT, binigyan nito ng tatlong araw ang management ng nasabing hotel para magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat bawian o suspendihin ang kanilang DOT accreditation.
Ayon sa DOT, sa ilalim ng kanilang administrative order, ang mga hotel sa ilalim ng GCQ ay pinapayagan lamang na mag-operate bilang quarantine facilities at hindi para sa leisure purposes.Una nang inihayag ng Makati Police na posibleng kasuhan din nila ang management ng hotel dahil sa paglabag nito sa quarantine protocols.
220
