NASABAT ng mga operatiba ng Bureau of Customs-Port of Davao (BOC-POD) ang tinatayang P1.7 milyong halaga ng mga “frozen tuna” na pinaniniwalaang nabingwit ng
mga nagkalat na Chinese fishing vessels sa karagatang sakop ng Philippine exclusive economic zone.
Ayon kay BOC-POD District Collector Atty. Erastus Sandino Austria, nakatanggap sila ng tip mula sa impormante kaugnay ng pagdaong ng nasabing kargamento, kaya naman agad aniya nilang inalerto ang kanilang mga operatiba.
Tulad ng inaasahan, lumapag sa Davao International Container Terminal (DICT) sa Panabo City, Davao del Norte ang kargamentong idineklarang “frozen malt” na agad namang inisyuhan ng Pre-Lodgment Control Order (PLCO).
Sa isinagawang pagsusuri, lumabas na positibo ang timbre – 2,300 kahon ng frozen tuna, na pinaniniwalaang nabingwit ng mga nagkalat na Chinese fishing vessels sa karagatang sakop ng bansa.
Bukod sa aniya’y “misdeclaration” ng kalakal, hindi rin umano sakop ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) at Landing Permit mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) XI ang pag-aangkat ng mga yamang dagat na tanging sa Pilipinas lamang makikita.
Sa bisa ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) na nilagdaan ni Austria laban sa nabanggit na kargamento, agad itong kinumpiska ng mga operatiba ng nasabing puerto batay sa Sec. 1400 ng Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
Babala ni Austria, hindi makakalusot sa mahigpit na polisyang pinaiiral ng kanilang Puerto ang aniya’y tangkang pagpupuslit ng mga iligal na kargamento – lalo pa’t batid nilang ang mga nasabat na tuna ay pawang “endemic” o sa Pilipinas lamang makikita.
175 