Binira ng mga kabataan CARDEMA ‘MALASADO’ ‘DI DAPAT SA GOBYERNO

HAYAGANG kinondena ng grupong kumakatawan sa mga kabataan sa Kamara ang di umano’y kabastusang ipinamalas ni National Youth Commission (NYC) chairman Ronald Cardema nang mag-gatecrash ito sa isang pulong-balitaan kamakailan.

Partikular na tinukoy ng Kabataan Party-list ang anila’y pambabastos ni Cardema sa kanilang kinatawan sa Kongreso – si Rep. Raoul Manuel na tumayong panauhing pandangal sa Pandesal Forum na ginanap sa Kamuning Quezon City kamakailan.

Sa kalatas ng Kabataan Party-list, pinuntirya rin ng grupo ang anila’y pagdalo ni Cardema na wala sa talaan ng mga imbitado – bukod pa sa hayagang pagkompronta kasabay ng “red-tagging” sa kanilang kinatawan sa Kamara.

“Ito ay di katanggap-tanggap na asal mula sa isang pampublikong opisyal at dagdag dahilan para siya ay tanggalin sa pwesto,” ayon pa sa grupo kasabay ng panawagan para sa agarang pagbibitiw ni Cardema sa kanyang hinahawakang pwesto bunsod ng di umano’y maanomalyang paggamit ng pondo ng gobyerno.

Ayon pa sa Kabataan Party-list, mas angkop na pag-ukulan ng oras ni Cardema ang pagtugon sa mga bulilyasong iniligwak ng Commission on Audit (COA). Sa inilabas na audit report ng COA, lumalabas na ilegal ang ginawang paglilipat ng P2.714 milyong pondo ng NYC sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Giit ng COA, malinaw na lumabag ang NYC nang gamitin ang pondong nakalaan sa paghulma ng youth leaders sa ilalim ng Sangguniang Kabataan Mandatory and Continuing Training Fund (SKMCTF) at rehabilitasyon sa Marawi City sa ilalim ng Task Force Bangon Marawi (TFBM).

“Mas mainam na sagutin ni Cardema ang sarili niyang mga tanong na binabato kay Kabataan Rep. Manuel ukol sa mga anomalyang naungkat ng COA sa paggamit ng pondo ng NYC sa panahong bahagi na siya ng ahensya.” (BERNARD TAGUINOD)

148

Related posts

Leave a Comment