(CHRISTIAN DALE)
INAMIN ng Malakanyang na bumalik ng Singapore si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong weekend upang pagtibayin ang pangunahing usapin sa kanyang state visit kamakailan at muling hikayatin ang mga mamumuhunan sa bansa.
Sa kanyang official Facebook page, ibinahagi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang screenshot ng isang post na ginawa ni Singaporean Manpower Minister Tan See Leng na kumukumpirma sa naging byahe ng Pangulo sa city-state.
Nakipagpulong si Pangulong Marcos sa mga Singaporean investor sa sidelines ng Formula One Grand Prix race sa Singapore, Linggo ng gabi.
“Naging produktibo ang pagdalaw sa Singapore ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. Pinagpatibay niya ang mga pangunahing usapan sa huling state visit sa bayan na ito, at pinatuloy ang paghihikayat sa pag-invest sa bayang Pilipinas,” ang caption ni Cruz-Angeles.
Hindi na ito nagbigay pa ng karagdagang detalye sa kanyang post.
Kasama ng Pangulo na bumiyahe ang anak na si Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos at pinsan na si House Speaker Martin Romualdez.
Si Tan, sa kanyang Facebook post, ay sinabi na bukod kay Pangulong Marcos ay nakipagpulong din siya sa iba pang heads of state, ministers, at foreign dignitaries.
“Happy to meet various Heads of States, Ministers and foreign dignitaries (including Bongbong Marcos, President Surangel Whipps Jr., Cambodia’s Minister attached to the Prime Minister and Managing Director of Electricite Du Cambodge (EDC), Keo Rottanak, Cambodia’s Minister of Commerce, Pan Sorasak, Advisor to the Royal Court, Kingdom of Saudi Arabia, Dr Fahad Bin Abdullah Toonsi to affirm our bilateral economic relationships and strengthen collaborations in energy cooperation as well as exchange views on manpower policies on the sidelines of the race,” wika nito.
“Last but not least, especially happy to have our community and tripartite leaders and frontliners at the event. Thank you for your contributions towards the fight against COVID-19 over the last 2 years,” dagdag na pahayag ni Tan.
