DAPAT manahimik si Presidential Spokeperson Harry Roque Jr. sa pagbibigay ng mga komentaryo tungkol sa mga isyu ng pandaigdigang kaayusan, o ibayong dagat, dahil hindi “competent” ang kalihim sa nasabing larangan.
Ito ang birada ni Foreign Affairs Secretary Teodoro ‘Teddy Boy” Locsin Jr. laban kay Roque.
Isinulat ni Locsin sa malalaking titik ang kritisismo niya kay Roque na: “I AM NOT LISTENING TO HARRY ROQUE”.
“LOVE THE GUY. BUT HE’S NOT COMPETENT IN THIS FIELD,” ratsada ni Locsin.
Ang tinutukoy ng pangunahing diplomat ng bansa na “field” ay ang pandaigdigang kaayusan.
Bago maging kasapi ng Kamara de Representantes at sa kalauna’y tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, si Roque ay propesor ng ilang asignatura hinggil sa International Law sa College of
Law ng University of the Philippines-Diliman.
Binigwasan din ni Locsin si Roque sa pahayag ng tagapagsalita ukol sa mga isyu ng West Philippine Sea (WPS) at kudeta ng militar sa Myanmar nitong Lunes.
Idiniin ni Locsin na “ROQUE DOES NOT EXPRESS FOREIGN POLICY”.
Personal na mga opinyon ang lahat ng komentaryo ni Roque hinggil sa WPS at Myanmar, hagupit ni Locsin.
Sabi ni Locsin na hindi babalik ang Pilipinas sa The Hague upang maghain muli ng kaso laban sa China dahil matatalo ang bansa.
Hindi rin totoo ang inihayag ni Roque na mayroong nakahandang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang kunin ang mga Pilipino sa Myanmar, patuloy ni Locsin.
Mayroong 1,273 mga Pilipino na nagtatrabaho sa Myanmar, batay sa rekord ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Anang DFA secretary, maghahanda ang AFP upang iligtas ang mga Pilipino na naipit sa Myanmar.
Binuweltahan din ni Senadora Risa Hontiveros si Roque nang sabihan siya nito na mag-enroll sa kanya ng international law subjects sakaling bumalik sa pagtuturo ang tagapagsalita ni Duterte.
Sabi ni Hontiveros kay Roque: “Kung mag-aaral ako ulit, hindi sa ‘yo. Sayang lang ang tuition kung ikaw ang magiging guro sa mga kurso sa international law. Ipantutulong ko na lang sa mga mangingisda sa West Philippine Sea [ang matrikula ko]”. (NELSON S. BADILLA)
356
