NOON, itinuturing ang langis bilang black gold na nagpayaman sa mga kaharian sa Gitnang Silangan at kaya maangas ang Amerika dahil sila ang may pinakamalaking oil reserve sa buong mundo.
Pero hindi na black gold ang tawag sa krudo kundi black diamond na dahil pamahal na nang pamahal ang produktong ito habang tumatagal at habang dumarami ang mga tao sa mundo.
Kapag panahon ng taglamig sa ibang bansa, tumataas ang presyo ng krudo sa world market at dahil maraming tao ang nangangailangan ng init ay tumataas ang demand at ang epekto ay tataas ang presyo nito.
Kapag hindi nagkakaintindihan ang mga makapangyarihang mga bansa at nagkaroon ng gulo tulad ng nangyayari ngayon sa Ukraine na nilusob ng Russia, agad ding tumataas ang presyo ng krudo.
Mantakin niyo, sumampa na sa US$100 ang bawat bariles ng krudo sa world market ilang oras matapos lusubin ng Russia ang Ukraine noong Huwebes (Pinas time) ng madaling araw.
Dahil sa mga galawang ganyan, hindi na black gold kundi black diamond na ang langis at kawawa rito ang mga bansang nakadepende sa supply ng langis na ibinebenta sa world market tulad ng Pilipinas, dahil hindi na mabubuhay kung walang langis na magpapatakbo sa mga sasakyan, power generators at mga industriya’t negosyo sa ating bansa.
Eto rin ang pinagkukunan ng malaking buwis ng gobyerno ngayon matapos patawan ng excise tax ng kasalukuyang administrasyon ang mga produktong dating libre sa buwis tulad ng liquefied petroleum gas (LPG) at diesel mula nang ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law noong 2018.
Mantakin n’yo, 12% sa bawat litro ng langis ang agad na binabayaran ng mga consumer kapag nagpakarga sila at gayundin sa bawat kilo ng LPG na mayaman man o mahirap ay hindi maiwasang bumili dahil kailangan nila sa pagluluto.
Dahil diyan nadagdagan ang gastos ng mga tao at habang tumataas ang presyo nito sa world market, pataas nang pataas ang kanilang ginagastos araw-araw dahil kailangan nila ang LPG sa pagluluto ng kanilang pagkain habang ang transport sector naman lumiliit ang kanilang kita.
Ang mga industriya na heavy user ng diesel lalo na ‘yung mga nagpo-produce ng kuryente ay lumaki rin ang gastos at para mabawi nila ito, ipapasa nila ito sa consumers… ang epekto tataas ang presyo ng kuryente.
Sa unang tingin, akala mo walang epekto sa mga consumer kapag tumataas ang presyo ng langis pero sila ang labis na tinatamaan dahil nangangahulugan ito ng pagtaas ng mga pangunahing bilihin at serbisyo publiko.
Siguro dapat munang isakripisyo ng gobyerno ang sinisingil na buwis sa mga produktong petrolyo para maibsan ang epekto ng giyera sa Ukraine sa bawat mamamayan.
Kahit papaano ay makababawas sa epekto ang buwis na ipinapataw sa lahat ng produktong petrolyo kapag isakripisyo muna ito habang hindi bumababa sa $80 kada bariles ang presyo ng langis sa world market.
Dapat din sigurong ibalik muna sa kontrol ng gobyerno ang industriya ng langis para hindi mapagsasamantalahan ng mga tiwaling negosyante ang sitwasyon sa Ukraine at masiguro na hindi overprice ang bentahan sa local market.
