BOC, IBA’T IBANG AHENSIYA NAGKAISA LABAN SA SMUGGLING

PINALALAKAS ng Bureau of Customs (BOC) at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kanilang koordinasyon sa intelligence at pagpapatupad ng batas upang sugpuin ang smuggling at iba pang banta sa seguridad ng bansa.

Pinangunahan ng BOC–Port of Cagayan de Oro ang Regional Inter-Agency Intelligence Summit on Border Security and Anti-Smuggling Operations, na naglalayong patibayin ang ugnayan ng mga ahensyang responsable sa seguridad at pagbabantay sa mga hangganan ng bansa.

Nagsilbi rin ang summit bilang pagkakataon upang magbahagi ng impormasyon, karanasan at mga epektibong pamamaraan sa pagtukoy at pagpigil sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad.

Dumalo sa pagtitipon ang mga kinatawan ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Army, Philippine Navy, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Philippine National Police–Intelligence Group (PNP-IG), at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng BOC.

Tinalakay sa summit ang mga umuusbong na banta sa seguridad, mga hamon sa operasyon at mga estratehiyang nakabatay sa intelligence upang higit na mapahusay ang paglaban sa smuggling.

Binigyang-diin ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang kahalagahan ng mas mahigpit na pagtutulungan ng mga intelligence at law enforcement agency upang mapigilan ang mga ilegal na aktibidad at mapanatili ang seguridad ng bansa.

“Hindi kayang tugunan ng isang ahensya lamang ang mga banta sa ating borders. Sa pamamagitan ng matibay na intelligence partnerships, mas napapalawak natin ang ating kakayahang matukoy ang mga panganib, mapigilan ang smuggling, at mapanatili ang seguridad ng bansa,” ani Nepomuceno.

Ayon naman kay BOC Deputy Commissioner PMGen. Emmanuel Luis D. Licup (Ret.), mahalagang matiyak na nasusuri at naibabahagi agad sa mga kinauukulang tanggapan ang impormasyon upang maisagawa ang napapanahon at angkop na aksyon laban sa mga paglabag sa batas.

“Hindi sapat na may impormasyon tayo. Kailangan itong ma-validate, maibahagi sa tamang ahensya, at magamit upang makagawa ng agarang aksyon. Sa ganitong paraan nagiging mas epektibo ang pagpapatupad ng batas at mas matibay ang proteksyon sa ating borders,” pahayag ni Licup.

Nakibahagi rin sa talakayan sina dating CIIS Director Thomas M. Narcise at Redford L. Surposa, Chief ng BOC-CIIS Cagayan de Oro at Surigao, kasama ang mga resource person mula sa PCG, PDEA at NICA.

Nagbahagi ang mga ito ng karanasan sa pagtukoy ng mga bagong banta, pagpapahusay ng palitan ng impormasyon at pagpapatibay ng koordinasyon sa pagpapatupad ng batas.

Binigyang-diin naman ni BOC Port of Cagayan de Oro District Collector Col. Arnaldo M. Saulong ang kahalagahan ng paggamit ng intelligence information upang makapagsagawa ng maagap at angkop na mga operasyong laban sa mga ilegal na gawain, lalo na sa harap ng nagbabagong banta sa rehiyon.

Sa pamamagitan ng summit, layunin ng BOC na higit pang palakasin ang pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya upang makabuo ng mas konektadong intelligence network, mapahusay ang palitan ng impormasyon at mapatibay ang proteksyon sa mga hangganan ng bansa.

(JESSE RUIZ)

82

Related posts

Leave a Comment