SEN. ERWIN TULFO, NAGBABALA SA POWER COMPANIES VS ABUSADONG SINGIL, BAWAS-SERBISYO SA PANAHON NG SUPER EL NIÑO

NAGBABALA si Senate Committee on Energy Chairman Senador Erwin Tulfo sa mga power generation company at distribution utility laban sa hindi makatarungang pagtataas ng singil sa kuryente at pagbabawas ng serbisyo sa harap ng inaasahang epekto ng “Super El Niño.”

Kasunod ito ng babala ng Department of Energy (DOE) at ilang electric cooperative hinggil sa posibleng pagtaas ng singil sa kuryente at mga rolling blackout dahil sa inaasahang pagtaas ng demand at paghina ng suplay ng kuryente.

Ayon kay Tulfo, bagama’t inaasahang maaapektuhan ang presyo at suplay ng kuryente, dapat na makatwiran ang anomang pagtataas ng singil at hindi magdagdag sa pinansiyal na pasanin ng mga pamilyang Pilipino.

“Hindi ako magdadalawang-isip na imbestigahan ang mga power generation companies o distribution utilities na aabuso sa climate crisis na ito upang magpalaki ng kanilang kita,” babala ng senador.

Hinimok din ni Tulfo ang DOE at Energy Regulatory Commission (ERC) na tiyaking protektado ang mga konsyumer laban sa mapagsamantalang pagpepresyo at posibleng pagbaba ng suplay ng kuryente.

Binigyang-diin niya na karapatan ng publiko na malaman ang dahilan ng pagtaas ng singil at pagbabago sa serbisyo, lalo na sa panahon ng krisis sa klima.

Ayon kay Tulfo, dapat unahin ng sektor ng enerhiya ang kapakanan ng publiko at panagutin ang mga kompanyang magtatangkang samantalahin ang El Niño.

Iginiit din ng senador na kailangang agad magpatupad ang DOE at ERC ng mga konkretong hakbang upang matiyak ang sapat na suplay at makatwirang presyo ng kuryente.

Bagama’t kinilala niya ang pag-apruba ng Kamara sa pondong nakalaan para sa pagpapalawak ng sitio electrification sa ilalim ng 2027 General Appropriations Bill, sinabi niyang hindi ito sapat kung walang koordinasyon ang mga ahensya ng ehekutibo upang matugunan ang aktuwal na pangangailangan ng mga komunidad.

Batay sa pagtataya ng Department of Science and Technology–Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA), inaasahang magiging “Very Strong El Niño” ang umiiral na kondisyon mula Setyembre hanggang Disyembre 2026 at magpapatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027.

83

Related posts

Leave a Comment