SA masidhing paghahangad na tuldukan ang sabwatan ng mga smugglers at ilang tiwali sa kanilang ahensya, minabuti ng Bureau of Customs (BOC) na gumamit ng mga body cameras para sa kanilang mga operatiba nang sa gayon ay matiyak ang integridad ng bawat operasyon ng naturang kawanihan.
Sa isang symbolic turnover ceremony na ginanap sa Customs Operation Center kamakailan, binalaan din ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang sinumang magtatangkang umareglo o magpa-areglo sa mga operasyon ng kanilang kawanihan.
Pormal na rin tinanggap ni Guerrero ang hindi bababa sa 200 body-worn cameras na obligado ngayong gamitin ng mga operatiba sa bawat lakad nila kaugnay ng mandatong supilin ang smuggling sa bansa.
Bukod kay Guerrero, kabilang sa mga dumalo sa nasabing seremonya sina Undersecretary Dave Almarinez ng Philippine International Trading Corporation (PITC), BOC Deputy Commissioner (Enforcement Group) Teddy Sandy Raval, Deputy Commissioner (Intelligence Group) Raniel Ramiro, Deputy Commissioner (Internal Administration Group) Donato San Juan, Deputy Commissioner (Assessment and Operations Coordinating Group) Atty. Edward James Dy Buco at Deputy Commissioner (Management Information System and Technology Group) Allan C. Geronimo.
Isang live demonstration din ang isinagawa kaugnay ng kakayahan ng mga bagong biling body cams na gagamitin ng Enforcement and Security Service para sa inspection at enforcement.
Ayon sa BOC, may kakayahang makapagbigay ng live feed ng actual footage at usapang nagaganap sa aktuwal na operasyon kaya naman wala anilang maaaring itago sa mga operasyon ng kanilang kawanihan.
Lubos naman ang pasasalamat ni Guerrero sa PITC na siyang nagbigay daan upang makabili ang nasabing ahensya ng mga gadgets na sa tingin nila’y higit na makakatulong sa BOC upang tuluyan nang malinis ang nasabing kawanihan.
Ani Guerrero, hangad nilang mapaghusay ang kanilang kakayahan sa pagtupad ng kanilang mandato.
177 