MULING magbubukas sa mga turista ang Boracay island sa darating na October 1, ayon sa Department of Tourism.
Kailangan lang na magpakita ang mga turista ng negative confirmatory test para sa coronavirus na kinuha 48 to 72 na oras bago ang kanilang naging biyahe, ayon kay DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat.
Pinagagamit sa mga airline company ang Godofredo P. Ramos Airport sa Caticlan bilang tanging point of entry sa Boracay.
Noong Hunyo binuksan ang isla sa mga residente ng Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Negros Occidental, Bacolod at Iloilo.
Una itong isinara dahil sa isinagawang rehabilitasyon at naulit nang manalasa ang COVID-19 sa bansa.
May 199 hotels at resorts na may 4, 416 na kwarto ang pinayagang mag-operate mula noong Hunyo, ayon kay Puyat. (CATHERINE CUETO)
