(Unang bahagi)
Galing ako sa pamilya ng mga guro. Ilang mga tita, mga kapatid, mga pamangkin, at mga asawa nila ay pawang mga edukador. Kaya’t bata pa ako ay may muwang na ako sa mga gawain ng mga guro.
Bagamat ‘di naman ako nag-major ng Education, dahil Psychology ang naging kurso ko mula undergrad hanggang graduate school, nauwi rin ako sa larangan ng edukasyon pagkatapos ng mga gawain sa NGO (non-governmental organization) sector.
‘Yun nga lang, mas pinili kong maglingkod sa kolehiyo at unibersidad, taliwas sa maraming kapamilyang pinili sa batayang edukasyon. Ako ngayon ay nasa pribadong institusyon, ‘di gaya ng mga kamag-anak na nasa istruktura ng Department of Education.
Nitong huling uwi ko sa probinsya para sa lamay ng isang kapamilya, nakita ko ang sakripisyo at komitment ng mga guro. ‘Di pa man tapos ang kanilang mga bakasyon ay aligaga na sila sa gawaing-pampaaralan. Kailangang hatiin nila ang oras sa mga obligasyong pamilya at paaralan dahit sa tinatawag nilang Brigada Eskwela.
Walang ganyan sa mga pribadong institusyon dahil nagbabayad ng malaki ang mga magulang para maging sapat ang mga istruktura at logistics na kailangan para maturuan nang maayos ang kanilang mga anak.
Iba ang sitwasyon sa mga pampublikong paaralan na hindi magbabayad ang mga magulang dahil may pondo namang inaasahan galing sa pamahalaan bunga ng mga buwis ng taumbayan.
Dahil sa kakapusan ng pondo kahit pa sobra-sobra na ang mga ibinabayad nating buwis, sadyang kahabag-habag ang kalagayan ng karamihan ng public schools.
Upang maibsan ang suliranin ng mga paaralan ng pamahalaan, sa kabila ng wala namang pagkukunang pondo, naisip na ilunsad noong 2003 pa ang Brigada Eskwela. Ito ay kolaborasyon lamang ng mga magulang at mga guro na nakatuon sa paglilinis at pagpapaganda ng paaralan. Hanggang ito’y lumawak at nakisangkot na rin ang iba pang pribadong grupo o sektor.
Maganda naman ang hangarin at kinakahinatnan ng Brigada Eskwela. Mainam na nagkakatulungan ang lahat para sa pag-aaral ng kabataan. Sa kabilang banda, ipinapakita din nito ang malungkot ng kalagayan ng edukasyon sa bansa na tila hindi binibigyang prayoridad ng pamahalaan. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
