BUHAY NG MGA BATA PRAYORIDAD NI YORME ISKO

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

KAILANGANG-KAILANGAN nang itaguyod o i-promote ang lokal na turismo sa ating bansa.

Imbes na magpunta sa Singapore, China, Hong Kong, Japan, Taiwan at iba pang bansa ay atin pong pakilusin at utusan, Mahal na Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang ating local tourism officials, na mas itaguyod ang lokal turismo sa bansa.

At ipinawagan po natin, Pangulong Marcos, sa mga airline at shipping at transportation industry, gawing mas mura ang pamasahe at ang mga hotel at mga lugar pasyalan, ibaba ang gastos para maengganyo ang mga Pilipino na mas bisitahin at pag-ukulan ng pansin at mas mahalin ang ating bansa.

Kung ‘di po natin pakikilusin, PBBM, ang ating local tourism officials na itaguyod ang lokal na turismo ay patuloy na magta-travel abroad ang ilan po nating kababayan dahil nga may offer na mas cheaper ang maglakbay sa ibang bansa.

Atin pong suportahan ang local tourism.

***

Kailan matutuldukan ang katiwalian sa gobyerno at kahit sa mga trabaho at transaksyon sa pribado?

Kaya ba nating magkaroon ng malinis na pamamahala, Pilipinas kong mahal?

Tayo ang makasasagot sa tanong na kaya ba nating matuldukan ang mga katiwalian?

Nasa taong bayan ang sagot nito.

***

Nitong Martes, Enero 20, ilang mga batang Manilen̈o na may sakit sa atay ang muling ipinadala ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa India upang sumailalim sa life-saving liver transplant sa ilalim ng medical assistance program ng lungsod.

Ayon kay Domagoso, naglaan ang lungsod ng kabuuang P6,976,208.85 para sa mga bagong pasyente, na sumasaklaw sa gastusin para sa apat na batang kailangan ng liver transplant at isa pang pasyenteng nangangailangan ng burr hole aspiration at craniotomy.

Sa maikling pakikipag-usap sa mga pamilya, pinaalalahanan ni Domagoso ang lahat na pasalamatan ang Diyos at ang taxpayers ng Maynila para sa tulong. “Pasalamat kayo sa Diyos, at sa taxpayers ng Manila,” ani ng mayor.

Hinihikayat din niya ang mga magulang na manatiling matatag at manalig habang inihahanda ang kanilang mga anak para sa operasyon sa ibang bansa. “May awa ang Diyos, magdasal kayo,” dagdag niya.

Ipinahayag ni Domagoso ang pag-asang makababawi ang mga bata at maging malusog pagkatapos ng kanilang operasyon. “Sana lumaki at maging malusog silang lahat,” ani pa niya.

Bahagi ang bagong batch ng tulong na ito ng patuloy na commitment ng mayor na pondohan ang life-saving medical treatments para sa mga Manileño na hindi kayang magbayad ng specialized procedures, partikular ang pediatric liver transplants na bihira pa sa bansa.

Noong Disyembre 2025, naglabas ang lungsod ng P7.4 milyon mula sa Special Health Fund para suportahan ang limang batang Manileño na sumailalim sa liver transplant sa India, kung saan apat ang ginamot sa Indraprastha Medical Corporation Ltd. at isa sa Max Healthcare Institute Limited.

Binibigyang-diin ng mayor na kasama ang lungsod at ang mga Manileño sa pagtulong sa mga pamilya.

Bahagi rin ang programang ito ng long-term vision ni Domagoso na palakasin ang lokal na kapasidad ng medical services, kasunod ng unang matagumpay na pediatric liver transplant sa isang government hospital sa UP Philippine General Hospital, na sinuportahan ng mahigit P30 milyon na donasyon para sa pagpapalawak ng life-saving pediatric surgeries sa bansa.

***

Talaga bang nasa kultura natin ang pagbibigay ng regalo o ng salapi o ang panunuhol at pangingikil at mahina ang moral ng mga tagapagpatupad ng batas at may diperensya ang mga batas at institusyon at ahensiya sa pagpapatupad ng batas laban sa nakasanayang korupsyon?

Kulang nga ba sa pangil at kapangyarihan ang mga ahensya natin na inatasan na labanan ang graft and corruption?

Marupok ba ang moral ng mga opisyal ng mga ahensya laban sa alok na suhol, banta ng mga nasasakdal o kulang sila sa katapatan at integridad at propesyonalismo kaya talamak pa rin ang korupsiyon sa ating bansa?

O talagang kulang o mahina ang parusa sa mga korap at mabagal ang pagbibigay-hustisya sa mga kasong katiwalian?

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

9

Related posts

Leave a Comment