MAGTATAYO ang gobyerno ng 13 karagdagang pumping stations sa Metro Manila bilang paghahanda sa epekto ng climate change at inaasahang pagtaas ng volume ng ulan sa bansa.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., target na matapos ang karamihan sa mga pumping station bago matapos ang taon o sa pagsisimula ng susunod na taon.
“Most of them should be in place already,” bahagi ng pahayag ng Pangulo matapos pangunahan ang inspeksyon sa Tripa de Gallina Pumping Station sa Barangay 190, Baclaran 1-11, Pasay City, nitong Huwebes, Agosto 20.
Sinabi ni Marcos na personal niyang sinuri ang pumping station upang malaman kung sapat ang kapasidad nito sa dami ng tubig na pumapasok sa lugar.
Ayon sa Pangulo, mas malaki na ang volume ng tubig-ulan na nararanasan ngayon kumpara sa mga nakalipas na taon kaya kailangang tiyaking sapat ang kapasidad ng mga bomba.
“Kaya’t kailangan tingnan natin kung sapat ang volume na kaya ng mga bomba natin para ilabas ang tubig. Siyempre ang nakikita natin problema, number one, ‘yung basura ulit,” ayon kay Marcos.
Sinabi ng Pangulo na maayos at gumagana ang mga bomba sa pumping station, ngunit patuloy na problema ang basurang pumapasok sa drainage system at nakaaapekto sa kahusayan ng mga ito.
Dahil dito, sinabi ni Marcos na naghahanap ang pamahalaan ng iba’t ibang paraan upang mapakinabangan o maayos na maitapon ang mga basura.
Ayon sa Pangulo, maaaring gawing compost at iba pang organic materials ang mga nabubulok na basura, habang ang iba ay kailangang dalhin sa landfill.
Binigyang-diin niya na kahit malakas at maayos ang pumping stations, bababa pa rin ang kanilang efficiency kapag patuloy na nababara ng basura ang sistema.
Inihayag din ni Marcos na isinusulong ng pamahalaan ang waste-to-energy programs bilang isa sa mga paraan upang matugunan ang problema sa basura.
Sinabi niyang nagsasagawa na ang Department of Energy (DOE) ng auction para sa mga waste-to-energy projects.
Umaasa ang Pangulo na maisasakatuparan ang mga naturang proyekto sa susunod na taon, basta’t maayos at available ang kinakailangang financing.
(CHRISTIAN DALE)
92 