SOBRANG malala na ang trapik, hindi lang sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), kundi sa maraming bahagi ng Metro Manila.
Sa halip na maisaayos ang daloy ng mga sasakyan sa lahat ng kalsadang nakatoka sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula nang maging pangulo si Rodrigo Duterte, pumalpak ang ahensiyang ito na mabawasan ang trapik.
Napakalala ng trapik sa maraming kalsada sa Metro Manila noong panahon ni Pangulong Benigno Cojuangco Aquino III, ngunit lalo pang lumala ngayong panahon ni Duterte.
Napakaraming gina-wang diskarte ng MMDA upang resolbahan ang trapik lalo na sa EDSA Commonwealth Avenue sa Quezon City, ngunit palpak lahat.
Hindi lamang daloy ng trapik ang trabaho ng MMDA para sa pagpapaunlad ng Metro Manila, ngunit ito nga mismo lang ay hindi pa nito kayang resolbahin.
Hindi rin napatanggal at napatigil ng ahensya ang mga ilegal na terminal na nakapuwesto sa mga kalsada, kabilang na ang EDSA.
Ano pa kaya ang iba pang trabaho ng MMDA?
Kung ako lang ay isang senador o kongresista, maghahain ako ng panukalang batas na magbubuwag sa MMDA.
Sayang lang ang perang ipinangtutustos dito para sa sahod ng mga opisyal at kawani at sa operasyon nito kada taon.
Mas mabuti pang ilagay na lamang sa ibang proyekto ng pamahalaan ang milyun-milyong perang inilalaan sa MMDA upang higit itong pakinabangan ng mamamayang Filipino.
Hindi kailangang panatilihin ang ahensiya ng pamahalaan kung panay daldal lang ang ginagawa tulad ng mga opisyal ng MMDA na kung anu-anong inihahayag at sinisisi sa napakalalang trapik kapag kausap ang media, ngunit walang kuwenta ang lahat ng sinasabi.
Dapat, higit na pagtuunan ng pansin ng administrasyong Duterte ang pagaayos ng sistema ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila.
Mahigit dalawang taon pa sa puwesto si Duterte, kaya mahaba-haba pa ang kanyang panahon upang magkaroon ng epektibo at episiyenteng pampublikong sasakyan.
Ang problema, ang isang “point man” ni Duterte sa usaping ito ay walang maisip tungkol dito hanggang ngayon.
Ang palaging bukang bibig ng “point man” ay hinarang daw ni Senadora Grace Poe ang “emergency power” na hinihingi niya sa Senado mula noong 2016 upang maresolbahan ang napakalalang trapik sa Metro Manila, lalo na sa EDSA.
oOo
Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271. (Badilla Ngayon / NELSON S. BADILLA)
