“KALOKOHAN” kung pababayaan ng pamahalaan na muling ibalik ang operasyon ng ABS-CBN Corporation kung hindi babayaran ng pamilya Lopez ang buwis na matagal nang utang sa pamahalaan.
Ito ang pinakabagong pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ABS-CBN.
Sa kanyang media briefing noong Lunes ng gabi, tiniyak ni Duterte na uutusan niya ang National Telecommunications Commission (NTC) na huwag bigyan ng “permit to operate” ang ABS-CBN.
Ang NTC ang mayroong kapangyarihang magbigay ng permiso o lisensya, upang legal na makapagnegosyo ang mga kumpanya ng telebisyon, radyo at telekomunikasyon at hindi ang Department of Information and Communications Technology (DITC).
Biglang inilabas ni Duterte ang kanyang posisyon sa isyu makaraang muling pag-usapan sa Kamara de Representantes ang prangkisa ng ABS-CBN Corporation.
Nang maupong speaker ng Kamara si Marinduque Representative Lord Allan Jay Velasco ay muling naghain ng panukalang batas si Batangas Representative Vilma Santos-Recto para bigyan ng 25-taong prangkisa ang ABS-CBN.
Si Senate President Vicente Sotto III ay naghain naman ng panukalang batas sa Senado pabor sa prangkisa ng kumpanyang pag-aari ng pamilya Lopez ng Iloilo.
Hinarang kaagad ni Anakkalusugan Representative Michael Defensor ang plano ng kampo ni Velasco.
Idiniin ni Defensor, hindi dapat bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN Corporation dahil maraming mga batas na nilabag ang nasabing kumpanya, kabilang na ang hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Sabi ni Duterte, hindi siya papayag na mag-operate muli ang ABS-CBN kung hindi babayaran ang utang nitong buwis.
Isinusog niya na papayag lamang siya, “[u]nless in a deal, the Lopezes would pay their taxes, I will not — I will ignore your franchise, and I will not give them the license to operate”.
“It’s like you gave them a prize for committing a crime,” birada ni Duterte. (NELSON S. BADILLA)
152
