Grupo ng riders kay Galvante PMVICs SUSPINDEHIN

NANAWAGAN ang samahan ng mga may-ari ng motorsiklo sa pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) na kagyat nitong isuspinde ang Private Motor Vehicle Inspections Centers (PMVICs) dahil masyadong mataas ang bayarin sa pagpaparehistro ng mga sasakyan.

Sa isinagawang kilos-protesta, sa pamamagitan ng motorcade mula University of the Philippines – Diliman hanggang sa tanggapan ng LTO sa East Avenue sa Quezon City, nanguna ang Kapatiran sa Dalawang Gulong (KAGULONG), sa paghahain ng liham sa hepe ng LTO na si Assistant Secretary Edgar Galvante.

Nakasaad sa liham ang solidong pagtutol ng KAGULONG sa PMVICs dahil walang naganap na konsultasyon sa publiko, napakamahal ng bayarin sa testing sa pribadong kumpanya at pagpasa sa pribadong kumpanya sa inspeksyon ng mga sasakyan.

Sumama rin sa pagkilos ng KAGULONG ang iba pang organisasyon ng mga motorista.

Lumahok at nakiisa rin ang Partido Manggagawa (PM) dahil naniniwala ang huli na wasto at makabuluhan ang posisyon ng KAGULONG.

Pagkatapos maiparating ang kanilang liham ng pagtutol sa PMVICs, nagtuloy sila sa harapan ng Senado kung saan isinasagawa naman ang pagbusisi sa PMVICs.

Pinangunahan ng Senate Committee on Public Services, na pinamunuan ni Senadora Mary Grace Poe, ang imbestigasyon.

Ipinatupad ang PMVICs dahil sa memorandum nina Galvante noong 2018 at Transportation Secretary Arthur Tugade.

Ang singil ng PMVICs sa sasakyang apat ang mga gulong ay P1,800 kada inspeksyon at karagdagang P900 sa panibagong inspeksyon.

Sa motorsiklo naman ay P600 ang bayad at P300 sa panibagong inspeksyon.

Ang inspeksyon ay isasagawa lamang ng mga pribadong kumpanyang mayroong akreditasyon mula sa LTO.

Ayon kay Senador Ralph Recto, masyadong matindi ang isinasagawang pribitisasyon ng LTO sa pagpapatupad ng mga batas tungkol sa transportasyon dahil ginagawa nitong malaki ang kita ng mga negosyante.

Ani Recto, ang mga may-ari ng PMVICs na nakaugnay sa Motor Vehicle Inspection System (MVIS) ay kikita ng walong bilyon sa loob ng isang taon.

Ang mga may-ari naman ng mga driving school ay magkakamal ng P7.5 bilyon bawat taon dahil naglabas ng patakaran si Galvante na ang mga kukuha ng lisensya sa pagmamaneho ay kailangang pumasok muna sa driving schools upang magkaroon ng diploma o certificate.

Ang diploma ay isa sa mga rekesito upang bigyan ng LTO ng driver’s license ang aplikante ng nasabing lisensya.

Idiniin ni Recto na walang ganyang nakasulat sa Republic Act 10930. (NELSON S. BADILLA)

183

Related posts

Leave a Comment