UMAKYAT na sa 4,200 ang COVID-19 positive sa lungsod ng Caloocan hanggang noong Biyernes, Agosto 21 at isa ang nadagdag sa namatay, ayon kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan.Ayon kay Malapitan, 1,976 naman sa mga nagpositibo sa nasabing nakamamatay na sakit ang nakarekober na.
Samantala, ipinaalala ng alkalde na kahit nasa general community quarantine (GCQ) na muli ang Caloocan City ay patuloy ang pinaiiral na curfew mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng
umaga.
Nilinaw ni Malapitan, hindi nito saklaw ang mga nagtatrabaho o empleyado ngunit mananatiling bawal lumabas ang mga 21-anyos pababa at 60-anyos pataas, buntis at mga may sakit na maaaring magkaroon ng komplikasyon dulot ng COVID-19.
Patuloy ring ipatutupad ng pamahalaang lungsod ang color-coded quarantine pass system sa buong lungsod.
Pinayuhan din ng alkalde ang mga nasasakupan na palaging sundin ang health and safety standard kapag lalabas ng bahay tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at pagsunod sa physical
distancing.
Sa Navotas City, iniulat ni Mayor Toby Tiangco na gumaling at nakauwi na ang 100 Navoteño na tinamaan ng COVID-19 ngunit nadagdagan naman ng 40 ang mga bagong kumpirmadong kaso.
“Bumababa na po ang positivity rate sa ating lungsod. Ibig sabihin, mas kaunti na ang nagpopositibo sa mga swab test sa mga nakaraang araw. Gayunpaman, hindi po tayo dapat maging
kampante.
May mga bansa po na muling nag-lockdown pagkatapos tanggalin ang quarantine dahil nagkaroon sila ng spike o biglang pagtaas ng kaso ng sakit. Parati pong isipin, bawat isa sa atin ay
may COVID-19. Ito lamang ang paraan para magdoble ingat tayo sa ating ginagawa at pakikitungo sa kapwa. Huwag manghawa, huwag magpahawa,” muling paalala ni Tiangco.
Sa lungsod naman ng Malabon, iniulat ng City Health Department na 62 ang nadagdag na confirmed cases kaya’t 3,224 na ang positive cases, at 706 dito ang active.
Ang mga bagong kaso ay mula sa Barangay Acacia (1), Baritan (11), Bayan-bayanan (3), Catmon (5), Flores (7), Hulong Duhat (2), Ibaba (3), Longos (2), Niugan (3), Potrero (5), San Agustin (3), Tonsuya (8) at Tugatog (9).
Sa kabuuan ay 2,380 na ang recovered patients sa Malabon.
HANAPBUHAY
Samantala, may hanapbuhay na naghihintay para sa mamamayan ng Caloocan City matapos lumagda sa memorandum of agreement o MOA si Mayor Oca Malapitan at ang Pure-Ride Phils.
para mabigyan ng alternatibong pagkakakitaan bilang delivery service ang mga pamilya na pinaka- naapektuhan ng COVID-19.
Nakasaad sa kasunduan na kukolekta lamang ang Pure-Ride ng P1.00 kada delivery habang ang nalalabi sa delivery fee ay mapupunta na sa makukuhang delivery partner.
Batay sa MOA, kailangan lamang na makatugon ang aplikante sa mga kuwalipikasyon.
Kabilang sa mga ito ang pagiging 21-59 taong gulang; mayroon at marunong gumamit ng smart phone; mayroong motorsiklo, tricycle, jeep, o kotse na maaaring gamitin para mag-deliver at residente ng Caloocan.
Hinimok ni Malapitan ang mga nais mag-apply o may iba pang katanungan na makipag-ugnayan sa Caloocan City Public Employment and Services Office na may numerong 288-88-11 loc 2245.
(ALAIN AJERO)
169
