Caloocan naghahanda na rin sa pagbabakuna NAVOTAS RESIDENTS, ‘CHOOSY’ SA BAKUNA

TILA huli na para sa mga residente ng lungsod ng Navotas ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi dapat maging “choosy” ang mga Filipino sa brand ng bakuna na itatarak sa kanila dahil noong nakaraang taon pa ay mayorya na ng mga ito ang “choosy.”

Sa pahayag ng Public Information Office ng nasabing lungsod, nakasaad na noong Disyembre 29, nagsagawa ang lungsod ng “informal survey” na nilahukan ng 6,128 respondents upang malaman kung ano ang niloloob ng mga residente ukol sa bakuna laban sa COVID-19.

Lumitaw sa nasabing survey, 64.10% ang handang magpabakuna depende sa brand na itatarak sa kanila, 18% lamang ang walang pakialam sa brand ng bakuna, at 3.8% lang ang may gusto ng AstraZeneca.

“We used the survey results as bases for our decision to buy vaccines. We hope we will also be able to secure other preferred brands within this year. We are also preparing for the purchase of more COVID vaccines. While we are still waiting for their arrival, please continue to be vigilant. Always practice the minimum safety protocols and keep yourselves healthy,” ani Mayor Toby Tiangco.

Noong Linggo, Enero 10, lumagda sa kasunduan ang pamahalaang Lungsod ng Navotas sa AstraZeneca para sa advance purchase ng 100,000 doses ng bakuna laban sa COVID-19.

Dagdag pa ni Tiangco, boluntaryo ang pagbabakuna at ang mga Navoteño na 18-anyos pataas na payag mabakunahan ay bibigyan ng dalawang doses ng bakuna na inaasahang darating sa ikalawang bahagi ng 2021.

Samantala, bilang bahagi ng COVID-19 vaccination program, nagpatawag ng pulong si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan upang talakayin kung paano ibibyahe at iimbak ang COVID-19 vaccines.

Inatasan ng punong lungsod ang City Health Department na siguraduhing angkop ang lamig at kapasidad ng storage facility para sa bakuna, gayundin ang transportasyon nito.

“Pinaplantsa na natin ang iba pang kakailanganin para sa pagdating ng bakuna, isa na nga rito ang transportation at storage nito. Bukod dito, titiyakin natin na ang vaccination program ng lungsod ay naaayon sa guidelines ng National Task Force, DOH at FDA,” ani Malapitan.

Kasama ni Malapitan sa pulong sina Secretary to the Mayor Betsy Luakian-Kaw, City Administrator Oliver Hernandez, Chief of Staff Jeremy Regino at mga kinatawan mula sa City Health Department. (ALAIN AJERO)

146

Related posts

Leave a Comment