NAKABALIK na sa Pilipinas si world champion gymnast Carlos Yulo matapos ang lagpas dalawang taong pananatili sa Japan.
Huling nakapiling ni Yulo ang kanyang pamilya noong 2019 Southeast Asian Games sa Manila, kung saan siya sumungkit ng dalawang ginto sa all-around at floor exercise, bukod sa limang silver medals sa iba’t ibang events.
Bagama’t nabigong maka-sungkit ng medalya ang 21-year-old gymnast sa nagdaang Tokyo Olympics, bumawi naman siya sa 50th FIG Artistic Gymnastics World Championship sa Kitakyushu.
Nagbulsa siya ng gintong medalya sa vault event, at isang pilak sa parallel bars sa FIG.
Samantala, inspirado si Yulo sa nakatakdang pagsabak sa 31st Southeast Asian Games dahil sa babaeng nagpapatibok sa kanyang puso.
“Malapit na po kaming magdalawang taon,” masayang pagbabahagi niya sa Philippine Sports Commission (PSC) Hour.
“Isa po siyang Pilipina na nursing student at nag-aaral po siya ngayon sa Australia,” ani Yulo. “Kapag nakita po ninyo ako na may video na tulad sa Tiktok, hindi po ako ang may gawa o nag-post noon kundi ang GF ko.”
Aminado ang world gymnastics champion na wala siyang hilig sa pagba-vlog o pag-post ng mga personal na aktibidad niya. “Hindi ko po talaga type mag-vlog. Hindi po kasi ako masalita. Hindi ko talaga siya gusto, tahimik lang po kasi ako, hindi ako sanay na nagkukuwento kapag naka-video, ayaw ko din po nasa camera.”
Samantala, matapos pasinayaan nitong Biyernes ang bagong MVPSF Gymnastics Center sa Intramuros, Maynila ay agad babalik sa Japan si Yulo upang tapusin ang training para sa SEA Games sa Hanoi, Vietnam. (ANN ENCARNACION)
