CAR-FREE SUNDAYS INILUNSAD SA MARIKINA

UPANG isulong ang mas aktibo at malusog na pamumuhay, inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Marikina ang “Marikina Together: Car-Free Sundays” noong Lunes, March 2, 2025, sa kahabaan ng Gil Fernando Avenue.

Mula alas-6 ng umaga hanggang alas 10 ng umaga, magagamit na ang kalsada mula sa kanto ng Guerilla Street (Xeland Marikina) hanggang sa Comedor Restaurant para sa mga outdoor activities tulad ng paglalakad, jogging, zumba, cycling at iba pa.

Pedestrian at bike-friendly ang nasabing kalsada na may halos 700 metro ang haba kung saan regular nang idaraos dito ang zumba tuwing Linggo.

“Pino-promote natin ang paglalakad; paggamit ng mga bisikleta para sa pagtungo sa iba’t ibang lugar—sa paaralan, trabaho, [kung saan] sa ganitong paraan nakakapag-ehersisyo tayo sa ganitong lugar,” saad ni Mayor Teodoro.

Ayon pa sa alkalde, ito ay isang hakbang upang bigyan ang mga residente ng ligtas at malinis na espasyo para sa mga outdoor activities kasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan.

Sinabi pa ni Teodoro na nais niyang ipakita na may puwang sa lungsod para sa mas aktibong pamumuhay at malaki rin aniya ang maiaambag sa kalikasan.

“Ang pagbawas ng sasakyan sa kalsada ay nangangahulugan nang mas malinis na hangin at mas tahimik na kapaligiran. Isa itong simpleng paraan upang ipakita natin ang ating malasakit sa kalikasan at sa isa’t isa,” dagdag pa ng punong lungsod.

Kasabay nito, pinasinayaan din ang bagong mural na pinagtulungang ipinta ng 30 pintor na iginuhit at makikita sa pader sa Gil Fernando Avenue.

Isa sa mga prominenteng personalidad na makikita sa mural ay si Don Laureano “Kapitan Moy” Guevara,ang nagtatag at ang ama ng industriya ng sapatos sa Marikina. (NEP CASTILLO)

80

Related posts

Leave a Comment