OPISYAL nang nanunungkulan ngayon ang bagong Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group chief na hinirang ni PNP chief, Police General Rommel Francisco Marbil.
Itinalaga ni Gen. Marbil si Police Colonel Paul Abay bilang officer-in-charge ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG).
Kinumpirma ni PNP Public Information Office (PIO) chief, Police Colonel Randulf Tuaño ang paghalili ni Col. Abay sa binakanteng pwesto ni PNP-AKG head, Police Colonel Elmer Ragay.
Si Col. Ragay ay sinibak bilang PNP-AKG head at pansamantalang isinailalim sa administrative relief.
Sinasabing si Ragay ay ni-relieve kaugnay sa kumalat na mga balita at viral social media post na kumukuwestyon sa katotohanan sa likod ng umano’y ‘rescue operation’ sa dinukot na 14-anyos na binatilyong mag-aaral ng Manila British School Manila sa BGC sa Taguig.
Magugunitang inihayag ng PNP-AKG na matagumpay nilang na-rescue ang umano’y dinukot na estudyante na inabandona ng kanyang abductors sa Parañaque City.
Ang ‘administrative relief by command’ ni Gen. Marbil kay Ragay na epektibo noong Biyernes, ay bunsod ng nakabinbing imbestigasyon kaugnay sa pag-kidnap at pag-rescue umano sa international student sa Taguig City.
Tiniyak din ng heneral na ang pagsibak kay Ragay ay simula pa lamang ng mas malalim na imbestigasyon upang tiyakin ang integridad ng PNP. (JESSE KABEL RUIZ)
