CAVITE – Makaraang magpahinga sa carnapping, sa ilegal na droga luminya ang isang miyembro ng Arevalo carnapping group ngunit nasilat at naaresto sa buy-bust operation at nakumpiskahan ng mahigit P103,000 halaga ng ilegal na droga sa Imus City noong Martes ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Henry Bella y Flores, 50, may asawa, residente ng Imus City.
Ayon sa ulat ni Corporal Marnol Cunanan ng Imus City Police, alas-7:30 ng gabi noong Martes nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng PIU/PDEU Cavite PPO, at Imus CPS sa Brgy. Bucandala 4 ng naturang lungsod na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nakumpiska ang 15 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P103,5000.
Ang suspek ay miyembro ng nabanggit na carnapping group na nag-o-operate sa Imus City at karatig na mga lungsod at bayan sa Cavite noong taong 2021 ngunit humina ang kanilang grupo matapos na ilan sa kanilang mga miyembro ang sunod-sunod na naaresto. (SIGFRED ADSUARA)
315
