SINABI ni Presidential spokesperson Harry Roque na pag-uusapan ng COVID-19 task force sa future meetings nito ang panukala na ipagbawal muna ang pangangaroling sa kalsada ngayong Pasko sa pangambang maaari itong magdulot ng pagkalat ng COVID-19.
“Hindi pa po iyan napagpulungan at napag-usapan sa IATF. Pero I am sure po maa-agenda iyan sa mga susunod na meeting ng IATF,” ayon kay Sec. Roque.
Nauna rito, iminungkahi ni Cagayan Governor Manuel Mamba sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na ipagbawal muna ang pangangaroling ngayong Pasko dahil sa pandemiya dulot ng COVID-19.
“Karamihan kasi ng carolers namin dito, they are not even from our place. ‘Yung pagpupunta nila from one house to the other, natatakot kami doon because it might cause the upsurge of covid cases,” ayon kay Mamba.
Dagdag ng gobernador, kakaunti lamang ang COVID-19 cases sa kanilang lalawigan kumpara sa ibang lugar sa bansa, kaya gusto nila itong mapanatili.
Ayon pa kay Mamba, maaari namang magbigay ng kautusan ang mga LGU pero iba pa rin kung manggagaling mismo ang kautusan sa IATF.
Nauna naman napagkasunduan ng Metro Manila mayors na ipagbawal ang mga Christmas party ngayong taon. (CHRISTIAN DALE)
174
