CASH SA HALIP NA NAKAKA-DIABETES NA CAKE

Hirit na pa-birthday sa seniors ng Maynila

HINILING ng mayorya ng senior citizens sa Lungsod ng Maynila na cash na lang ang iregalo sa kanilang mga kaarawan kaysa sa nakaka-diabetes na cake.

Request granted naman ang sagot ng pamahalaang lungsod sa kanilang kahilingan kaya sa halip na birthday cake mula sa city government ay cash na ang kanilang matanggap tuwing kanilang kaarawan.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, pinag-usapan nila ni Vice Mayor Yul Servo na amyendahan ang umiiral na city ordinance para suportahan ang nasabing plano.

Sinabi pa ni Lacuna na maraming senior citizens ang dumaranas ng diabetes o high sugar kaya hindi na nila mae-enjoy ang cakes at ang pagkain nito ay may dalang peligro sa kanilang kalusugan.

Nabatid pa sa lady mayor na ipinaalam ng mga senior sa kanilang isinagawang consultations ang kanilang kagustuhan.

Sa nasabing consultation ay sariling desisyon ng seniors ang pinairal.

Sa kasalukuyan ay inaalam na rin ng pamahalaang lungsod ang ulat na ang b-day cakes na ipinamimigay sa seniors noong nakaraang administrasyon ay overpriced.

Nitong nakalipas na ‘Ugnayan’ sa mga residente kung saan halos umapaw ang San Andres Sports Complex, pinapili ng lady mayor ang mga senior citizen kung birthday cake o cash gift ang gusto nila, at unanimous ang desisyon ng mga ito na cash gift.

Kapag na-convert na ang birthday cake sa cash, sinabi ni Lacuna na mako-complement nito ang pagtaas ng monthly senior citizens allowance na kanyang dinoble mula P500 hanggang P1,000 kada buwan at ito ay sa pamamagitan din ng ordinansa na kanyang pinirmahan noong isang taon.

Ikinalungkot lamang ni Lacuna na dapat sana’y mas maagang naipatupad ang pagdoble ng allowance ng seniors kung hindi lamang nasadlak ang Maynila sa P17.8 billion utang na iniwan ni Isko Moreno.

(JESSE KABEL RUIZ)

73

Related posts

Leave a Comment