(NI ABBY MENDOZA)
SA unang dalawang buwan ng 18th Congress, kapwa nanguna sa perfect attendance sina House Speaker Alan Peter Cayetano at House Majority Leader Martin Romualdez simula Hulyo 22 hanggang Setyembre 23 o 20 session days.
Nitong Setyembre 23 ang huling entry ng attendance ng mga mambabatas na nakapaskil sa website ng Kamara kung saan nagkaroon ng 234 present, wala namang datos pa noong Oktubre 2 na syang huling sesyon.
Sa kabuuang bilang na 300 ay nasa 246 ang average ng attendance ng mga mambabatas sa loob ng 20 session days, ang pinakamataas na naitala ay noong July 22 na nasa 297, ang araw kung saan nagluklok ang Kamara ng kanilang susunod na House Speaker.
Bilang reaksyon sinabi ni Ako Bisaya party-list Rep. Sonny Lagon na ang mataas na attendance ng mga mambabatas sa 18th Congress ay patunay ng dedikasyon nito na maipasa ang lahat ng mga legislative measures.
“This attendance record is unsurpassed, historic, and a testament to
the determination and patriotism of the legislators, under the
guidance of the present leadership,” pahayag ni Lagon.
Samantala sinabi ni Romualdez na sa loob ng 20 session days ay nagawang makapagproseso ng Kamara ng 220 measures o nasa 11 measures kada araw kabilang dito ang pagpasa ng 2020 P4.2T national budget at pagpasa ng 18 panukalang batas sa ikatlo at huling pagbasa.
Nabatid na sa loob lamang ng dalawang buwan ay 5,566 measures ang natanggap ng Kamara at 70 Committee reports.
Sa ilalim ng liderato ni Cayetano ay makakaasa ang publiko ng mas magandang performance ng Kamara.
Oktubre 4 ang magbreak ang Kamara at balik-sesyon sa Nov 4.
