CAYETANO SA BAGONG BALIKBAYAN ACT: MAS MATIBAY NA INTERAGENCY SUPPORT, KAILANGAN PARA SA OFWs

NAGPAHAYAG ng suporta si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa panukalang Bagong Balikbayan Act na naglalayong tiyakin ang maayos na pagbabalik sa Pilipinas at reintegration ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs), kasabay ng panawagan para sa mas matibay na pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Ang panukala, Senate Bill No. 2423 sa ilalim ng Committee Report No. 80 na ini-sponsor ni Senator Raffy Tulfo, ay naglalayong magkaroon ng kumpleto, magkakaugnay at pangmatagalang programa para sa pagbabalik at reintegration ng mga OFW sa buhay sa Pilipinas.

“Let me express support for the bill. It’s a very good bill, we need it,” ani Cayetano.

Binigyang-diin ni Cayetano ang kahalagahan ng interagency cooperation upang matiyak na magiging epektibong suporta sa mga umuuwing OFW ang mga programa sa ilalim ng panukala.

“I’d like to support the provision na nilagay about interagency (cooperation),” aniya.

Ayon kay Cayetano, kailangang magtulungan ang Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang kaugnay na ahensya upang matiyak na magiging tunay at kapaki-pakinabang ang mga programa para sa mga OFW.

Itinuturing si Cayetano bilang isa sa mga pangunahing nagsulong sa paglikha ng DMW dahil sa kanyang mga naging hakbang bilang Speaker ng House of Representatives at bilang pangunahing may-akda ng batas na lumikha sa departamento.

Nagsilbi rin siya bilang Secretary of Foreign Affairs mula 2017 hanggang 2018, kung saan personal niyang naharap ang iba’t ibang problema at pangangailangan ng mga migranteng Pilipino.

Ayon kay Cayetano, tugma ang mga layunin ng Bagong Balikbayan Act sa orihinal na layunin ng paglikha sa DMW—ang mapaunlad ang kakayahan ng mga Pilipino sa buong mundo, matulungan silang makakuha ng mas magandang oportunidad sa ibang bansa at maihanda ang mga pangangailangan ng susunod na henerasyon ng migrant workers.

“I’m excited to discuss this at the proper time and to ask the departments how they will not only help this bill and coordinate to make sure that this bill translates to success for OFWs,” ani Cayetano.

Hinikayat din niya si Tulfo na isabay sa pagtalakay sa panukala ang mandatory review sa batas na lumikha sa DMW.

“By next year, up for mandatory review na ‘yung batas ng DMW. I really hope we pass this bill, but I hope we can review it side-by-side with how the Department of Migrant Workers can be more effective,” ani Cayetano.

Komprehensibong Suporta Para sa Umuuwing OFWs

Pangunahing tinutugunan ng Bagong Balikbayan Act ang kakulangan ng mga programa at serbisyo para sa mga OFW na nagbabalik sa Pilipinas.

Layunin nitong magkaroon ng kumpleto, pangmatagalan at tuloy-tuloy na programa na tutugon sa mga pangkabuhayan, panlipunan at emosyonal o mental na pangangailangan ng mga OFW bago sila umuwi, habang nagtatrabaho sa ibang bansa at pagdating nila sa Pilipinas.

Iaayon ang reintegration program sa pangangailangan at kasanayan ng bawat OFW at isasama ito sa bawat yugto ng kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa.

Layunin din ng panukala na matulungan ang mga OFW na makahanap ng trabaho sa Pilipinas o makapagtayo ng sariling negosyo at iba pang pagkakakitaan sa agrikultura, pangisdaan, aquaculture at iba pang livelihood opportunities.

Magkakaroon din ng mga programa para sa tamang paghawak at pagpaplano ng pera upang matulungan ang mga OFW na maging financially independent, magkaroon ng mas matatag na buhay at mapangalagaan ang kanilang sarili at pamilya.

Palalakasin ng panukala ang papel ng DMW, sa pamamagitan ng National Reintegration Center for OFWs (NRCO), bilang pangunahing ahensya sa pagpapatupad ng programa. Bubuo rin ng National Reintegration Network upang maging mas organisado at magkakaugnay ang paghahatid ng mga serbisyo.

Gagamit din ng mga digital system para sa paghahanap at pagtutugma ng trabaho, pagkilala sa mga kasanayan ng OFW, training, business support at pagkuha ng financing o puhunan.

Saklaw ng panukala ang lahat ng OFW na umuuwi, anuman ang kanilang uri o katayuan. Kabilang dito ang mga land-based at sea-based OFW, documented man o undocumented, kusang umuwi o sapilitang pinauwi, anuman ang dahilan ng kanilang pagpapauwi, gayundin ang mga umuuwi dahil sa mahihirap o mapanganib na sitwasyon sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan.

Kapag naging batas ang panukala, unang gagamitin para sa pagpapatupad nito ang kasalukuyang budget ng DMW at iba pang kaugnay na ahensya. Sa mga susunod na taon, isasama ang kinakailangang pondo sa General Appropriations Act.

67

Related posts

Leave a Comment