PHILIPPINE AIR FORCE, MAY 32 UNIT NG BLACK HAWK CHOPPER

NAKUMPLETO na ng Philippine Air Force (PAF) ang 32-unit fleet ng S-70i Black Hawk helicopters matapos nitong opisyal na tanggapin at basbasan ang pitong karagdagang helicopter na binili sa ilalim ng Revised Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program.

Pinangunahan ni PAF Commanding General Lt. Gen. Arthur Cordura bilang guest of honor and speaker ang acceptance, turnover and blessing ceremony na ginanap sa Colonel Jesus Villamor Air Base (CJVAB) sa Pasay City.

Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Christina Basco, ang pagdating ng pitong bagong helicopter ang kumumpleto sa 32-unit Black Hawk fleet na kinontrata mula sa Polish subsidiary na PZL Mielec ng Lockheed Martin sa halagang P32 bilyon.

Ayon kay Lt. Gen. Cordura, inaasahang higit na magpapalakas sa kakayahan ng PAF ang karagdagang air assets para sa troop and personnel transport, humanitarian assistance and disaster response (HADR), search and rescue, medical evacuation at iba pang critical air operations.

“The completion of the acquisition marks a significant milestone in its efforts to modernize its fleet and enhance mission readiness, particularly in providing rapid air support during national defense operations and emergencies,” ayon kay Cordura.

Sinabi rin ni Cordura na matagal nang nakaranas ang PAF ng kakulangan sa combat utility helicopters matapos ang halos limang dekada ng pakikipaglaban sa rebelyon bago tuluyang lumipat sa territorial defense operations.

Ayon sa opisyal, naging pundasyon ng internal security operations (ISO) ng PAF ang combat utility helicopters, habang isinantabi noong unang bahagi ng dekada 1980 ang teknolohiya ng fighter aircraft.

Dahil hindi na sapat ang lumang fleet ng Huey helicopters na ilang dekada nang ginagamit, natukoy sa ilalim ng Revised AFP Modernization Program ang pangangailangan para sa isang makabago, maaasahan at multi-mission na helicopter platform na tutugon sa troop transport, search and rescue, medical evacuation at disaster response sa buong bansa.

Sinabi ng PAF na ang pagkumpleto sa 32-unit Black Hawk fleet ay malaking dagdag sa operational capability at mission readiness ng Hukbong Panghimpapawid.

(JESSE RUIZ)

86

Related posts

Leave a Comment