POA, ISASALANG NA PROSECUTION WITNESS SA SUSUNOD NA PAGDINIG

ISASALANG bilang prosecution witness sa susunod na pagdinig ng Senate Impeachment Court si dating Department of Education (DepEd) Chief of Staff Atty. Michael Wesley Poa kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P112.5 milyong confidential funds ng ahensya.

Bukod kay Poa, ihaharap din ng prosecution sa susunod na pagdinig si Philippine Statistics Authority (PSA) Assistant National Statistician Marizza Grande, na inaasahang magbibigay ng testimonya hinggil sa PSA verification sa mga pangalang lumitaw sa acknowledgment receipts na isinumite bilang liquidation ng confidential fund expenditures.

Sinabi ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na dahil kasalukuyang nasa korte si Poa at “more than willing to testify,” hindi na kailangan pang magpalabas ng subpoena ang impeachment court.

Ayon kay Escudero, maaaring umakyat sa witness stand si Poa sa Setyembre 1 kung sakaling hindi makadalo ang dalawang opisyal ng militar na nakatakdang tumestigo sa araw na iyon.

Ang dalawang opisyal ay sina Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio, na kapwa naunang tumestigo sa isinagawang House inquiry na hindi nakatanggap ang kanilang military unit ng DepEd confidential funds para sa mga aktibidad na Youth Leadership Summits.

Si Poa ang unang natukoy sa House proceedings bilang opisyal na naghanda ng accomplishment report kaugnay ng confidential funds ng DepEd.

Dapat sanang tumestigo si Boransing nitong Miyerkules, Agosto 26, ngunit humiling itong ilipat ang kanyang araw ng pagtestigo dahil kailangan pa niyang humingi ng pahintulot sa kanyang mga superior.

Nabatid na si Boransing ay nakatalaga bilang commanding officer ng Task Force Zamboanga.

Pinagbigyan ni Escudero ang hiling ni Boransing at itinakda ang kanyang pagtestigo sa Setyembre 1.

Samantala, inalis na ng House prosecution team bilang testigo nito si retired Maj. Gen. Adonis Bajao.

Inihaharap ng prosecution ang mga saksi sa ilalim ng Article I ng impeachment complaint na nag-aakusa kay Vice President Sara Duterte ng maling paggamit, malversation at iregular na liquidation ng kabuuang P612.5 milyong confidential funds ng OVP at DepEd.

(TINA MENDOZA)

93

Related posts

Leave a Comment