NAGHATID ng pagkain at inumin ang Emergency Response Team ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha sa Parañaque, Cavite at Las Piñas habang patuloy ang pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Sa Barangay San Isidro, Parañaque City, nakipag-ugnayan ang grupo sa mga barangay responder at rescue personnel na nagsasagawa ng clearing at recovery operations. Ayon kay Barangay Chairman Noel Japlos, walang naitalang nasawi at tuloy-tuloy ang paglilinis ng mga natumbang puno, creek at kanal upang maiwasan ang panibagong pagbaha.
Sa Cavite, namahagi rin ng tulong ang team sa mga residenteng binaha, gayundin sa mga barangay personnel at rescuers. Sinabi ni Barangay Captain Benedicto Camia na walang naitalang nasawi at nananatili sa evacuation center ang mga apektadong pamilya habang patuloy silang minomonitor ng mga awtoridad.
Sa Barangay Talon Tres, Las Piñas City, naghatid din ng relief goods ang grupo habang unti-unti nang humuhupa ang baha at nagsisimula nang makauwi ang mga evacuee.
Nagpasalamat ang mga opisyal ng barangay sa patuloy na pagtugon ni Cayetano sa kanilang mga komunidad tuwing may kalamidad. Ayon kay Barangay Talon Tres Chairman Chris Lucena, matagal nang tumutulong ang senador sa kanilang lugar mula pa noong pandemya.
Patuloy ang emergency relief operations ng Cayetano team ngayong Agosto 10 sa Taytay, Tanay at Rodriguez sa Rizal, gayundin sa Bacoor City, General Trias at Naic sa Cavite upang maabot ang mas marami pang komunidad na naapektuhan ng baha.
50 