PINAG-IINGAT ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa leptospirosis sa gitna ng patuloy na pag-ulan at pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa isang statement, pinaalalahanan ng DOH ang publiko na iwasang lumusong sa tubig-baha upang makaiwas sa sakit.
Kung hindi naman maiiwasang lumusong sa baha, pinapayuhan ang publiko na magsuot ng boots at iba pang proteksyon sa katawan, at agad na kumonsulta sa doktor para sa tamang payo at reseta, kabilang ang Doxycycline prophylaxis kung kinakailangan.
Maaari ring tumawag sa National Emergency Hotline na 911 kapag nangangailangan ng agarang tulong.
Nauna nang inatasan ng Malacañang ang DOH na magsagawa ng mga proaktibong hakbang laban sa mga sakit na maaaring makuha bunsod ng pag-ulan at pagbaha.
Hinimok din ng pamahalaan ang mga nakalulusong sa baha na magsagawa ng kaukulang pag-iingat at magpakonsulta sa pinakamalapit na health center.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, hindi na dapat hintaying lumala ang mga sintomas gaya ng lagnat at paninilaw ng mata o balat bago magpatingin sa doktor dahil maaaring sintomas ito ng leptospirosis.
Ginawa ng Palasyo ang panawagan kasunod ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang rehiyon dahil sa pabugso-bugsong pag-ulan dala ng pinaigting na Southwest Monsoon o Habagat.
(JULIET PACOT/CHRISTIAN DALE)
116 