EXTRADITION NI QUIBOLOY INAARAL PA NG PHL GOV’T — MALACAÑANG

PINAG-AARALANG mabuti ng gobyerno ng Pilipinas ang kahilingan ng Estados Unidos na i-extradite ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Quiboloy, ayon sa Malacañang.

Si Quiboloy, na kasalukuyang nakapiit sa Pasig City Jail, ay nahaharap sa mga kasong child sex trafficking, bulk cash smuggling at iba pang kaso sa Estados Unidos, bukod pa sa mga lokal na kaso ng qualified human trafficking at child abuse.

“Sinabi po niya (Pangulong Ferdinand Marcos Jr.) na kailangan ‘tong pag-aralang mabuti. Pero in a couple of weeks ay magbibigay po sila ng anunsyo kung ano ang magiging desisyon para dito,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Ani Castro, isa sa mga opsyon ang extradition sa ilalim ng Philippines-US Extradition Treaty, na nagbibigay ng mekanismo para sa pagsuko ng isang taong inuusig o nagsisilbi ng sentensiya sa isang bansa patungo sa bansang humihiling sa kanya.

Pormal nang ipinadala ng US Department of State ang extradition request sa Department of Justice (DOJ), ayon sa Malacañang.

Nauna nang sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na naipadala na sa DOJ ang pormal na kahilingan ng US government.

Nagpalabas ang federal court sa US ng warrant of arrest laban kay Quiboloy noong Nobyembre 10, 2021 matapos siyang kasuhan ng conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion at sex trafficking of children.

Inaakusahan si Quiboloy ng pakikilahok sa isang labor trafficking scheme kung saan dinala umano sa Estados Unidos ang mga miyembro ng simbahan gamit ang mga visa na nakuha sa pamamagitan ng panlilinlang at pagkatapos ay pinilit na mangalap ng donasyon para sa umano’y pekeng charity.

Ayon sa mga alegasyon, ginamit ang mga donasyon upang pondohan ang church operations at marangyang pamumuhay ng mga lider nito.

Inaresto si Quiboloy sa Davao City noong Setyembre 8, 2024 at mula noon ay naghain na siya ng not guilty plea sa kasong qualified human trafficking.

(CHRISTIAN DALE)

48

Related posts

Leave a Comment