NAGLATAG ang Philippine National Police (PNP) ng mga checkpoint sa ilang lugar na kabilang sa tinawag na ‘NCR Plus’ bubbles na kinabibilangan ng Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan.
Ayon kay PNP Officer Officer in Charge P/Lt General Guillermo Eleazar, istriktong ipatutupad ang may 20 quarantine control point na inilatag ng pambansang pulisya sa boundaries ng NCR Plus Bubble.
Ito ay kasunod na rin ng kahilingan ng Department of Interior and Local Government sa PNP na magpatupad ng mahigpit na border checkpoints sa mga saklaw ng NCR Plus bubble para maiwasan ang entry and exit ng mga non-essential worker at at implementasyon ng uniform curfew hours mula 10pm hanggang 5am sa utos na rin ni Pangulong Duterte.
Sinabi ni PNP spokesman Brig. Gen. Ildebrandi Usana na magpapatupad sila ng border control sa mga hangganan kung saan umiiral ang general community quarantine o GCQ.
“Ang outbreak region po actually ay nasa NCR. Minarapat ng national government na lakihan pa ‘yung spread ng boundary hanggang doon sa apat na provinces para merong containment,” sabi nito.
Sa ngayon, tanging ang mga essential worker mula sa non-GCQ areas ang maaring pumasok sa GCQ areas at kinakailangan nilang magpakita ng dokumento na magpapatunay ng kanilang employment status.
“‘Yung boundaries ng ‘NCR plus’, doon sa strategic areas kung saan nandoon ‘yung boundary ilo-locate ‘yung checkpoint. Now outside the boundary meron din po ‘yung border control kung sino po ‘yung papasok sa ‘NCR plus’. So kung sila ay essential worker definitely sila ay papayagan pero kapag non-essential workers sasabihan lang po yung papasok na bumalik na po,” dagdag pa ng tagapagsalita ng PNP.
Limitado ang pagbiyahe sa loob lang ng kanya-kanyang lalawigan, ayon pa kay Usana, kasunod ng pagpapalabas ng listahan ng mga lugar na nilagyan nila ng quarantine control points.
Ito’y makaraang isailalim sa bubble GCQ ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal dahil sa patuloy na pagtaas na kaso ng COVID-19.
8K PLUS KASO
Kahapon ay naitala ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa isang araw simula nang magkapandemya.
Umakyat sa 8,019 ang panibagong kaso sa Pilipinas.
Sa huling datos ng Department of Health (DOH) nitong Lunes (March 22), pumalo na sa 671,792 ang confirmed cases ng nasabing virus sa bansa.
Sa nasabing bilang, 80,970 o 12.1 porsyento ang aktibong kaso.
Kaugnay nito, kinumpirma ng Department of Health (DOH) na kalat na sa National Capital Region ang UK at South Africa variants ng COVID-19.
Ayon kay Health Undersec. Maria Rosario Vergeire, maraming lungsod na sa Metro Manila ang may kaso nito na siyang dahilan ng pagsipa ng infection sa NCR.
Nabatid na nasa 70-75% na ang bed occupancy sa bansa.
Sa hanay aniya ng health workers, 1,154 na ang tinamaan ng virus mula February 1 hanggang March 21.
367 sa mga ito ang aktibo o patuloy pang nagpapagaling habang 700 na ang gumaling at isa ang binawian ng buhay.
PALPAK KASI
Isinisisi naman ng isang mambabatas sa kapalpakan at kawalang kakayahan umano ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte ang muling pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Pahayag ito ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate matapos isailalim sa “lockdown” ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan subalit ayaw gamitin ang nasabing termino upang itago umano ang katotohanan.
“Duterte administration’s incompetence and inefficiency led us into this deplorable Covid situation a year after it started. There is no other word for it but palpak,” ani Zarate.
Ayon sa mambabatas na kababayan ni Duterte sa Davao City, kung nakikinig lang ang gobyerno sa mga payo at ibinigay ang trabaho sa mga medical expert at tinanggal agad ang mga incompetent ay hindi sana nakaladkad ang bansa sa ganito kalaking problema.
Ipinaliwanag ng mambabatas na Enero pa lamang noong 2020 ay pinakinggan na sana ng gobyerno ang panawagan na magsara agad ng border, magsagawa ng mass testing, aktibong contact tracing at binilisan ang pagbili ng bakuna ay hindi mararanasan ang panibagong lockdown na ito.
Hinamon din ng mambabatas ang gobyerno na magpakatotoo at huwag nang itago ang problema. Aminin na rin aniya nito na lockdown ang pagsasara sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan imbes na “buble”.
“We must call a spade a spade! No amount of semantics nor rhetoric can hide the fact that the new restrictions imposed today March 22 to April 4 is again a lockdown,” ayon sa mambabatas. (JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)
