CHINA NAGMATIGAS VS ARBITRAL RULING

TAHASANG inihayag kahapon ng China na hindi nila kikilalanin ang arbitral ruling na inilabas ng Arbitral Tribunal na pumapabor sa Pilipinas dahil nilalabag nito ang United Nation Convention on the Law of the Sea at general international law.

Binakbakan din nito ang United States na siyang mastermind sa pagkaladkad sa iba pang mga bansa para magmukhang masama ang China sa isyu ng South China sea claims.

“The Arbitral Tribunal gravely violated UNCLOS and general international law. The award is illegal, null and void. China does not accept or recognize it, and will never accept any claim or action based on the award. China’s sovereignty and relevant rights and interests in the South China Sea were established in the long course of history, and are solidly grounded in history and the law. This shall under no circumstances be affected by any illegal award,” ayon sa inilabas na pahayag ng tagapagsalita ng Embahada ng Tsina.

Nananatiling matibay ang posisyon ng China na hindi kilalanin ang arbitral ruling na naipanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration noong 2016 sa The Hague, hinggil sa pinag-aagawang mga teritoryo sa South China Sea.

Tinuligsa rin ng China ang Amerika na siyang puno’t dulo sa nasabing ruling, kung saan itinatali umano nito ang kamay ng mga kaalyado nitong bansa upang i-pressure at pwersahin ang China na tanggapin ang award.

Nanawagan din ang China sa mga bansa sa labas ng rehiyon na irespeto ang kanilang territorial sovereignty, maritime rights at interes, at iwasan ang pagiging pasimuno upang guluhin ang peace at stability sa South China Sea.

Samantala, patuloy namang nananawagan ang Estados Unidos sa China na itigil na ang ginagawa nitong “routine harassment” ng mga barko nito sa West Philippine Sea (WPS).

Hinimok din ng US ang China na itigil na ang panggugulo sa sovereign rights to explore, exploit, conserve, at pangangasiwa sa natural resources ng bansa sa naturang rehiyon.

Kasabay ng pagbibigay diin na dapat na ring itigil ng China ang panghihimasok nito sa ‘freedom of navigation and overflight of states’ na legal na nag-o-operate sa rehiyon.

Ayon kay Matthew Miller, ang tagapagsalita ng US State Department, mananatiling paninindigan ng Estados Unidos ang nauna nitong pahayag na kumikilala sa mga aksyon ng China sa malaking bahagi ng West Philippine Sea bilang ‘unlawful’.

Patuloy aniyang hinihikayat ng US ang China na sundin ang itinatakda ng United Nations Convention on the Law of the Seas, at itigil na ang pangha-harass sa kabuuan ng WPS.

(JESSE KABEL RUIZ)

154

Related posts

Leave a Comment