CHINESE EMBASSY OFFICIALS MAG-TROLL FARM NA LANG – SOLON

MAS makabubuti umanong gawin na lang “Chinese troll farm” ang embahada ng China sa Pilipinas kaysa magpanggap bilang isang lehitimong diplomatic mission, ayon kay Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima.

Ginawa ni De Lima ang pahayag matapos akusahan ang Chinese Embassy na nagpapakalat ng kasinungalingan kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea (WPS), partikular sa mga pahayag ng Deputy Spokesman nitong si Guo Wei.

“If the Chinese Embassy chooses to spread lies about China’s aggression in the WPS and target Philippine officials for doing their job in calling out said aggression, instead of letting Beijing itself dish out the hostility, it might as well stop pretending to be a diplomatic mission and convert itself into just another Chinese troll farm,” ani De Lima.

Nauna rito, iginiit ni Guo na ang Pilipinas umano ang pasimuno ng tensyon sa WPS at inakusahan si Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Jay Tarriela ng pagpapakalat ng “twisted, manipulative, and provocative narratives” upang ilagay ang Pilipinas laban sa China.

Pinabulaanan ito ni De Lima at iginiit na ang China ang tunay na nagpasimula ng tensyon dahil sa ilegal at walang batayang nine-dash line claim nito, na sumasaklaw sa malaking bahagi ng teritoryal na karagatan ng Pilipinas at ng iba pang bansa sa rehiyon.

Dagdag pa niya, ilegal ding nagtayo ang China ng mga military structure sa Spratly Islands at sila rin umano ang nangha-harass hindi lamang sa mga Pilipinong mangingisda kundi maging sa mga tauhan ng PCG sa WPS na aniya’y sinasadyang hindi banggitin sa naratibo ng China.

Hindi rin ikinatuwa ni De Lima ang pahayag ng Chinese Embassy na umiiwas umano ang Pilipinas sa dayalogo ukol sa isyu sa WPS, sa kabila ng sinasabing pagkakaibigan ng dalawang bansa.

“Of course, China is not offering friendship as it is demanding capitulation. They are not asking us to be their friends. They are asking the Philippines to be their vassal. That is what the intimidation, aggression, and violence in the WPS is all about,” ayon pa kay De Lima.

Kasabay nito, sinabi ng mambabatas na dapat seryosohin ang mga naratibong ito ng China dahil posibleng lalong paigtingin ng mga ito ang kanilang pagkontrol sa rehiyon sa gitna ng aksyon ng United States (US) sa Venezuela, Iran at ang planong pagsakop sa Greenland upang patunayan ang ipinangangalandakan ng mga ito na sila ay “superpower”.

(BERNARD TAGUINOD)

31

Related posts

Leave a Comment