KALABOSO ang tatlong Chinese National sa ikinasang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) NCR, Lunes ng gabi sa Pasay City.
Nakilala ang mga suspek na sina Changao He, 36-anyos may-asawa; Yong Pin Pang, binata, 32-anyos at Ming Wei Xiong, binata, 33-anyos, mga dati umanong miyembro ng People’s Liberation Army of China at naninirahan sa Chengdu Bistro, Hobbies of Asia, Pres. D. Macapagal Blvd. Barangay 076, Pasay City.
Sa ulat, nag-ugat ang reklamo makaraang magsumbong ang biktimang Chinese National din na si Liang Xiao Hu, 34-anyos, online seller at naninirahan sa Shore Tower A, Pasay City.
Batay sa salaysay ng biktima, nagpakilala sa kanya ang suspek na si Changao Hu at sinabing may kakilala ito sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at kaya nitong palabasin ang kanyang kaibigan na naaresto noong Enero.
Dito na umano nanghingi ang suspek ng limang milyong piso sa biktima kapalit ng paglaya ng kanyang kaibigan, subalit hindi nito natupad ang pangako.
Sa halip ay nagpadagdag pa ito ng P2.5 milyon dahilan upang magreklamo ang biktima sa otoridad at ikinasa ang entrapment operation.
Dakong alas-11:10, Lunes ng gabi ikinasa ang entrapment operation sa suspek na si Changao Hu, sa ikalawang palapag ng Chengdu Bistro. Subalit sinubukan naman pigilan ng dalawang kasamahan na arestuhin ang suspek. Dahil dito inaresto rin ng mga otoridad sina Yong Pin Pang at Ming Wei Xiong dahil sa obstruction of justice. (TOTO NABAJA)
