MAAARI pa ring ipagpatuloy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP matapos bigyan ng Commission on Elections (Comelec) ng exemption mula sa spending ban ngayong campaign period para sa nalalapit NA 2025 national at local elections (NLE) sa Mayo 12.
Ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia, ang desisyon alisin sa election ban ang nasabing program ay makaraang maisumite ng DSWD, National Economic and Development Authority (NEDA) at iba pang sangay ng pamahalaan ang mga guideline na dapat sundin sa pamamahagi nito.
Sa memorandum ng komisyon, nakasaad na dapat present ang election officer ng munisipalidad sa magiging pamamahagi ng programa at hindi rin saklaw ng exemption ang spending ban mula Mayo 2 hanggang May 12, 2025, sampung araw bago ang halalan.
Ang mga kandidato naman ay hindi papayagang naroroon sa mismong araw at lugar ng pamamahagi ng ayuda.
Una ng hiningi ng DSWD sa Comelec na mabigyan ng election ban exemption ang mga ayuda tulad ng AKAP, Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at ibang mga financial assistance dahil nababalam umano ang tulong ng gobyerno sa mga mahihirap nating kababayan. (JOCELYN DOMENDEN)
