IPRINISINTA ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na inaresto sa Batangas matapos umanong magpanggap bilang Pilipino at gumamit ng mga pekeng dokumento.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek na si Zhi Ling Guan, 47, na gumagamit din ng mga alyas na “Shi Nengyuan” at “Mike Sy.”
Ayon sa BI, nakakuha umano ang dayuhan ng mga pekeng dokumento kabilang ang Philippine passport. Sa rekord ng Land Transportation Office (LTO), nakakuha rin ito ng driver’s license sa pangalang “Shi Nengyuan,” habang ang passport ay nakapangalan sa “Mike Sy.”
Nasakote ang suspek sa Batangas sa pamamagitan ng intelligence verification at koordinasyon ng BI sa LTO at Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines.
Binalaan ni Viado ang iba pang dayuhan na sangkot sa kaparehong ilegal na gawain na mananagot sila sa batas at hindi makalulusot sa mga awtoridad.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng BI ang suspek habang isinasailalim sa deportation proceedings.
(JOCELYN DOMENDEN)
30 