IGINIIT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang kulay pulitika ang ibinibigay na tulong pinansyal ng pamahalaan sa mga local government unit (LGU) sa bansa.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ng Pangulo na anoman ang political affiliation ng mga lokal na opisyal ay nakahanda ang pambansang pamahalaan na tumulong.
Ayon sa Pangulo, halos P58 bilyon mula sa Local Government Support Fund (LGSF) ang maaaring gamitin ng mga LGU upang tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga komunidad.
Ibinahagi rin ng Pangulo ang mga larawan ng mga local chief executive mula sa iba’t ibang political affiliation na dumalo sa paglulunsad ng “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang” initiative sa Malacañang noong Lunes. Layunin ng programa na palawakin ang suporta ng national government sa lahat ng LGU sa pamamagitan ng LGSF.
Sa isang larawan, makikitang magkasama si dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo at Pangulong Marcos, kasama ang iba pang alkalde at gobernador.
Ito ang ikatlong pagkakataon na nagkita sina Marcos at Robredo matapos ang halalan noong 2016.
Noong Pebrero 20, bumisita ang Pangulo sa Naga City upang inspeksiyunin ang “Oplan Kontra Baha” project at personal na i-turn over ang P500 milyong special allotment release order (SARO) para sa rehabilitasyon ng Jesse M. Robredo Coliseum.
Sa nasabing paglulunsad, inatasan ni Marcos ang mga ahensya ng pamahalaan na direktang ipalabas ang pondo ng LGSF sa mga LGU upang maging mas mabilis, malinaw at transparent ang proseso.
“Our local leaders know their communities best. They see the problems first. They hear the people first. Now they have the resources to act,” ayon sa Pangulo.
(CHRISTIAN DALE)
43 