CAVITE – Itinulak at inihulog mula sa sasakyan ang isang Chinese national at natagpuan ng mga awtoridad habang pagala-gala sa Gen. Trias City sa lalawigang ito, noong Huwebes ng umaga.
Dinala sa Gen. Trias Medicare Hospital si Xiao Kong, 57, pansamantalang tumutuloy sa Makati City, dahil sa mga sugat sa katawan.
Ayon sa ulat ni Corporal R-Jay Magwale ng Gen. Trias City Police Station, dakong alas-6:00 ng umaga noong Huwebes, habang nagpapatrulya ang mga operatiba ng PASCAM COMPAC ng Gen. Trias CPS nang madaanan ng mga awtoridad ang biktima habang tulalang naglalakad sa Open Canal Road sa Brgy. Pasong Camachile 2, ng naturang Lungsod
May sugat sa mukha at kaliwang mata ang biktima nang saklolohan ito ng mga operatiba.
Ayon sa biktima, nakasakay siya sa isang van kasama ang ilang kababayan nito ngunit nagkaroon sila ng pagtatalo sa loob ng sasakyan, hanggang sa itulak siya at nahulog sa kalsada.
Intact ang gamit ng biktima kabilang ang P12,000 cash na dala nito.
Nakatakdang dalhin ang biktima sa Chinese embassy para sa disposisyon. (SIGFRED ADSUARA)
