TINIYAK ng pinuno ng Metro Manila Council (MMC) na si Parañaque City Mayor Edwin Olivares, sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na aapela sila ukol sa pagbubukas ng mga sinehan sa National Capital Region (NCR) dahil laganap pa rin ang COVID-19 sa rehiyon.
Ang pahayag ni Olivares ay reaksiyon sa desisyon ng IATF-EID na buksan na ang mga sinehan at pasyalan, at luwagan ang mga simbahan sa mga tao simula ngayong Pebrero 15 upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya.
Tugon pa nito, tinututulan ng MMC ang pagbubukas ng mga sinehan sa kabila ng pangangailangan ng ating ekonomiya dahil saradong lugar ang ito na maaaring kumalat ang COVID-19 at dapuan ang mga manonood ng pelikula.
Banggit ni Olivares, walang “proper consultation” sa mga alkalde ng NCR ang IATF-EID hinggil dito.
Nilinaw niya na hindi tinutulan ng MMC ang pagbubukas ng mga museo, palaruan at mga silid-aklatan.
Ayon naman kay Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjamin Abalos Jr., tinutulan niya ang pagbubukas ng mga sinehan sa pulong ng IATF-EID nitong nakalipas na linggo, ngunit nanaig ang desisyon ng huli.
Ani Abalos, sang-ayon siya sa posisyon ng MMC hinggil dito. (MARINHEL T. BADILLA)
121 