NEGOSYO, PAMILYA GAMIT NG TERORISTA SA MONEY LAUNDERING

NATUMBOK ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa pag-aaral nito na ang mga teroristang grupo sa bansa ay gumagamit ng legal na mga negosyo at pamilya ng mga opisyal at kasapi ng nasabing mga organisasyon upang magkaroon ng pera ang nasabing mga pangkat na kalaban ng estado.

Bukod dito, ipinadaraan din ng mga teroristang grupo ang kanilang mga pera mula sa maraming bansa patungo sa Pilipinas, sa pamamagitan ng mga “non-stock non-profit organization,” saad sa ulat ng AMLC.

Ang AMLC ay ahensiya ng pamahalaan na pangunahing nagpapatupad ng batas laban sa “money laundering”.

Noong Enero 30, nagsimulang magkabisa ang Anti-Money Laundering Act of 2021 (AMLA), ang nag-amiyenda sa umiiral na AMLA.

Sa batas na ito, isinama ang real estate developers (REDs), real estate brokers (REBs), Philippine offshore gaming operators (POGOs) at kanilang service providers na pinag-uulat sa AMLC ng mga “pinaghihinalaang mga transaksiyon” sa pera.

Ayon sa AMLC, napirmes nito na ginagamit ng mga teroristang pangkat ang mga legal na paraan sa pagkakaroon ng pondo para sa kanilang operasyon at misyon bukod sa ilegal na mga aktibidad.

Kidnapping for ransom at pangingikil ang mga ilegal na aktibidad na natukoy ng AMLC na pinagkukunan ng pondo ng mga teroristang grupo.

Natukoy rin ng AMLC na ultimong “remittance transactions” ay ginagamit din sa pagpapadala ng pera sa mga teroristang grupo sa Pilipinas.

Ang isa pang nadiskubre ng AMLC na pinakabago sa pinagdadaanan ng pera ay ang “virtual currency and/or cryptocurrency”.

Natukoy ng AMLC na umabot sa P1.77 milyon ang perang dumaan, sa pamamagitan ng virtual currency, noong 2019 hanggang 2020.

Sa ulat na inilabas ng AMLC, sinabi nitong “sistematiko” na ngayon ang proseso ng pagpapadala ng pera ng mga teroristang grupo mula sa ibang bansa patungong Pilipinas.

Ngunit hindi tukoy ng ahensiya kung magkano ang eksaktong halaga ng perang pumapasok para maipadala sa mga teroristang grupo.

Hindi isiniwalat ng AMLC ang mga teroristang organisasyon na sinusubaybayan at iniimbestigahan nito.

Wala ring mga espesipikong pangalan ng mga taong binanggit ang AMLC. (NELSON S. BADILLA)

199

Related posts

Leave a Comment